Nagbiro ako sa tadhana. Pangisi-ngisi akong nag-iisip sa tabi ng mamang drayber sa jeep na sinasakyan ko. Maaga pa. Ayoko pang umuwi. Isang masamang maghapon ang nagdaan at wala sa mga bahay nila ang mga kaibigan kaya wala akong matatambayan.
Pagkasakay ko pa lang at pagkaabot ng pamasahe nanunukso na ang isip ko sa mga tagatakda ng tadhana: “Makita ko lang s’ya sa daan, bababa ako!” Baka ‘kako magandang senyales ‘yun na magkausap kami ulit, magkumustahan o magkita ng malapitan at hindi ‘yung kaway, tango at ngiti lang sa malayo. Kaso malabo.
Una, ang huling sinabi n’ya sa akin eh ‘wag ko na lang daw siya ite-text. Pangalawa, ang alam ko gabi pa ang labas n’ya. Pangatlo, sayang ang walong pisong ibinayad ko pamasahe. Pang-apat, puputaktihin ako ng kaba, tuwa, yamot, takot at sakit nang sabay-sabay…
Sabay nakita ko s’ya sa may kanto. Ang pangisi-ngisi ko kanina naging tawa. Ako ang natawa sa biro ko. Medyo malakas. Napalingon si mamang drayber na katabi ko. Kailangang magpalusot. “Para na ho,” sabi ko. Napailing na lang ako.
Hingang malalim. Punas ng pawis. Ayos ng k’welyo. Lakad-takbo. Nakatungo. Pagtunghay ko ilang hakbang pa magsasalubong na kami. Nagkunwari akong nagulat. (Na-master ko na ang reaks’yong iyon.)
“Uy! Kamusta?” tanong n’ya.
“’Eto.” (Na-master ko na rin ang sagot sa tanong na iyon.)
“Ayos ang buhok ah,” bati n’ya sa tirik-tirik kong buhok, iba sa nakasanayan n’yang pormal na ayos nito dati, “Bagay sa’yo.”
“Akala ko ayaw mo kasi mukha akong adik?”
“Okay naman pala,” at ginulo-gulo ang buhok ko.
Iniiwas ko ang ulo ko. “Sa’n ka papunta?”
“Pauwi na,” sagot n’ya.
“Ikaw?” tanong n’yang wala sa sarili.
“Ihahatid ka.”
Hinawakan ko ang braso n’ya at inalalayan paakyat ng pinara kong jeep. Umupo ako sa tapat ng inupuan niya at nag-abot ng bayad.
Nawala ang usapan.
Tingin s’ya.
Tingin ako.
Ngiti s’ya.
Ngiti ako.
Titingin naman ako sa malayo.
Hindi ko na matandaan kung gaano na katagal. Pakiramdam ko kasi parang kahapon lang ang lahat. Hindi ko na rin alam kung aling damdamin ang uunahin. Baka hindi ko na rin alam kung aling kahapon ang natatandaan ko.
Tingin ulit s’ya.
Tingin ulit ako.
Tinitingnan ako ng aking iwinawaksing mga alaala - mga pinaka-iingatan, mga pinakamaliligaya, mga pinakamasasakit, mga pinakamagaganda.
Ngiti s’ya. May sumingit na alaala.
Ngiti ako. Ilang beses din akong nasaktan nito.
Kasabay ng iba pang nagsipara, umuna ako sa kanya at inalalayan s’ya pababa. Isang traysikel pa ang sasakyan n’ya para makauwi. Naglakad kami papunta sa terminal.
“Kinakamusta ka lagi ng inay,” basag n’ya sa aming katahimikan.
“Kinakamusta din ba ako ng anak n’ya?” sagot ko.
“Hindi ka naman nagrereply.”
“Nagpalit ako ng number. Sabi mo din ‘wag na akong magtext. Nakakahiya naman…”
Katahimikan muli.
“Pasens’ya ka na,” sabi n’ya
“Saan?” tanong ko kahit hindi ko kailangan ng sagot.
“Sa lahat.” Hindi na s’ya tumingin. “Sa mga nangyari…”
Nilunod ng mga ingay ng kalye ang mga sumunod na sinabi n’ya. Siguro hindi na rin ako interesado sa mga paliwanag kaya wala na akong narinig. Hindi ko na rin naman kailangan.
“Tara sa bahay para makita ka naman ng inay,” yaya n’ya.
“Hindi na muna siguro. Gagabihin ako,” nagdahilan ako.
“Ano na’ng number mo?” tanong n’ya.
“Text na lang kita,” maikli kong sagot.
Papasakay na s’ya sa nakaparadang traysikel. Nagba-bye s’ya.
“Sige,” sabi ko, “Pasabi sa inay dadalaw ako bago ako umalis.”
Natawa s’ya. “Ha? Saan ka naman papunta?”
Hindi agad ako nakasagot. Nawala ang ngiti n’ya. Nahalata n’ya yatang seryoso ako. Humakbang ako paurong dahil mukhang paandar na ang traysikel. Nakatitig pa rin s’ya.
“Sa Australia.” sagot ko.
Sabay lakad palayo. Walang lingon-likod.
Lakad.
Lakad.
Tingin sa langit.
Nagbiro ulit sa tadhana habang ang dalawang daliri ay pilit pinagpipilipit.
“’Wag ko na sana s’yang makita ulit.”
____________________________________