Showing posts with label circa 2009. Show all posts
Showing posts with label circa 2009. Show all posts

Sa Linggo

May nag text sa akin ng "Kamusta".
Sa isip ko sabi ko "akala ko patay ka na?"

Text ulit s'ya ng "kita tayo sa Sabado?"
"Hindi muna siguro", ako ulit sa isip ko.

Wala akong load. Kahit siguro meron wala pa rin akong masasabi. Wala akong reply at wala na akong natanggap na mensahe ulit. Sinukuan na n'ya ako. Sumuko na rin ako. Wala na'ng maraming text at matagal na usapan. Pinalitan na 'yon ng mahahabang pag-iisip at malalalim na buntong-hininga.


Wala akong isusuot sa Sabado. Wala akong pambayad sa sine at pagkain. Wala akong oras sa dami ng gawain. Wala akong salamin. Wala na akong ikukwento sa'yo. Hindi mo na nga ata ako kilala. Wala na ang isip ko. Nawala ka gawa ko. Wala na rin yata ako.

Mag-iisip lang ako sandali. Bubuntong-hininga ng kaunti. Aalisin ko lang ang amoy mo sa balat ko pati ang boses mo sa ulo ko. Buburahin ko lang ang mukha mo sa isip ko tuwing nasasaktan ko. Tatanggalin ko lang ang udyok ng utak kong hawakan ka o yakapin o tingnan t'wing magkikita.

Magkikita ulit tayo. Ihahanda ko lang ang sarili ko. Papraktisin muna ang mga linya.

Hindi muna sa Sabado. Maglo-load na rin ako.

Saglit lang 'to.
____________

Belatest

Ni hindi n'ya kabisado kung nasaang lugar ka ba o kung anong pinagkakaabalahan mo d’yan. Wala s’yang ideya kung saang direksyon ‘yan papunta. Hindi na rin nya alam kung gaano ka na kalayo sa kanya – isang sindi ng kandila? Dalawang sakay? Tatlong pahinang sulat? Apat na taon?

Nawala na sya sa bilang. Hindi na n’ya saulado ang kasaysayan ng inyong pagkawalay. Hindi na n’ya gamay ang heograpiya ng inyong pagkakaibigan.

Huli na naman s’yang bumati. Huli na naman. Huli na nga, hindi pa magaling. Matagal. Mabagal. Nahihirapan na s'yang sunduin ang mga alaala mo sa dating opisina at mga kaibigan, sa lumang simbahan at plasa, sa natatangos na mga kanto at sulok ng Lipa..

Pero ang araw na ito nga ay sa’yo. Ang kinabukasan ng bukas naman nito ay sa kanya. Naisasama mo pa ba kaya s’ya? Palagi bang sasapat ang naririto s’ya at naririyan ka?

Sana.

Kung hindi’y dahan-dahanin naman sana ng panahon ang pag-agwat ng dulo nito sa nasimulan.

Para makapagsimula ulit kayo ng bilang sa lahat ng pagitan.


Para kahit huli ma’y patuloy siyang makapag-maligayang kaarawan.
____________________________________

Baby, You're A

Hindi ko alam kung anong mayroon sa pagsabog ng makukulay na liwanag sa kalangitan ang nakapagpapaligaya sa akin. Ilang minuto lang naman ng ingay at usok at ilang saglit ng pagka-ngawit ng leeg ang napapala ko pero sige pa rin ako sa pagtingala – abot-tenga ang ngiti at nakangangang parang bata.

Ang una kong pagkakita noon ay matagal na. Hindi na rin ako bata. Tambay ako sa may Uptown at noo’y nagpipilit tumanda. Out of school, katatanggal lang sa trabaho, pampasikip ng kalye sa harap ng kainang maraming bata, kasama ko ang kaibigang lagi kong kasabwat sa pagpapalipas ng oras at panahon.
Doon. Sa pagitan ng fastfood na tindahan at gusaling may malaking orasan. Doon ako unang namangha sa pagsalangit ng mga pulbura – pagsabog, pagliwanag, paglaho. Walang kaparis na saya sa walang kaparis na pagkakataon. Sa ilalim ng makulay na langit, sa ibabaw ng malamig na konkretong daan, sa tabi ng nagmamahal at nagbabata-bataan kong kaibigan ako ay nahawa at muling naging bata. Pero hindi tulad n’ya at ng natunghayang makulay na palabas, mukhang sa akin ay hindi ito nagwakas.

‘Yun na nga siguro. Bata. Mayroon yata sa akin na hindi tumanda. 

Mayroong kislap ang fireworks na hindi bumubulag sa aking mata. May tunog ang mga pagsabog na hindi bumibingi sa aking tenga. Ang saglit na ningning at dagundong ay parating nagdadala ng hindi nalulumang mga alaala, mga bagong pag-asa, mga musmos na pangarap, bubot na pag-ibig at mga sariwang umpisa. 

Kaya’t lilipas itong lahat sa aking mga pandamang tumatanda ngunit hindi ang ligaya sa puso kong isip-bata.
____________________________________
sa muling pagbubukas ng McDo sa may Ayala, paparapapa!

At the Beginning

It hit me. This story of us is all a misconception from my end. I was so in love with you that I misconstrued your friendship for reciprocation. Even at the falling out, I mistook your silence for pain equivalent to mine.


And now that we are at the bumpy part of the ending road, I am still revisited by hopeless misinterpretation of a love that never was. The veil I have unshrouded. I have shook off most of the memories, more so the feelings. I have honestly forgotten the happy chunk and deliberately remembered the painful parts to help me get over the former.

Yet by some play of fate, we are rekindling, to my dismay. I fight off vehemently, literally and internally. And so far I'm still at the winning end. By being half-hearted I tend to see it from a far-off point and yet imbibed enough to get more of the revelation I have so long ignored but not willing to forego..

We are at the climax, resolving the conflict of the story before we give off a blastful or quiet ending, whichever it may be, then roll the credits.

Why, you'd ask, when we have died as our parts with each other? Because a story doesn't end unexplained. That is not a story. That's the way for real life.And ours is just a story. A chapter in our lives that has to end. Which is worse when left unexplained, a life or a death? Probably both because the two are one - integral and cannot be separate from each other.

Life is not but without worth at its end. The art of forgetting, I have mastered it that even the important part I forget. My recovery is the vagueness of memory.

Forget poignant. 

Forget vivid. 

They're all[.]
____________

Sa Aking Tag-araw

Napakahirap balikan ng tag-araw. 

Paano mo nga ba ibabalik ang alinsangan, ang alikabok sa daan, ang bitak ng lupa, ang tining ng dagat, ang nipis ng hangin, ang init ng buhangin, ang mga saranggola sa itaas at mga batang amoy pawis na nagpatayog sa kanila? 

Mahirap.

Ako'y naiwan. At ako'y nagpapaalam sa aking tag-araw. Wala akong nasilayang tubig na mapaglalabhan ng marumi kong kaluluwa kaya ako'y nanlilimahid pa rin sa mga nagdaang mantsa. Hindi kami nakapaglaba ng aking kaibigan at nakapagsampay sa ilalim ng mainit na araw.
Napamahal na ako sa ulan. Sa ligayang dulot ng pagtatampisaw sa mga mumunting dagat ng siyudad na ito; sa maya't mayang pagkabasa ng aking matigas na ulo at malambot na bumbunan; sa lamig ng paligid at sa linis ng hangin pagkakatapos nitong bumuhos; sa paglalangoy sa mga butil ng tubig sa ilalim ng maitim na langit. Walang payong o kapote. Hindi ako takot sa sipon. Hindi naman siguro ako magkakasakit. May tiwala ako sa ulan. Sa aking ulan.

Kaya ibigay natin sa tag-araw ang sa kanya.

Ako nama'y hahawak sa kamay ng aking tag-ulan at magbibilad ng mga tuyong pangarap at maduduming alaala sa kanyang bawat buhos.

Mahirap ding akayin ang tag-ulan.

Pero hindi singhirap ng pagbalik ng tag-araw.
____________