Agosto

Namamalantsa ako isang gabi. Dumating s’ya nang maaga sa karaniwan. Sementado ang kamay. May sling na nakasuporta sa leeg. Pawis. Pagod. Iniinda ang sakit.

Katulad ng dati wala s’yang imik. 

“Anong nangyari?” tanong ko.

“Nasemento” lang ang sagot n’ya sabay angat ng bendadong kamay para ipakita sa akin. Sementado mula palad hanggang lagpas pulso. Umangat ang tingin ko hanggang sa matamis n’yang ngiti. Itinatago noon ang sakit, init, yamot sa sarili  at pag-aalala sa mga dadanasing pagbabago sa mga susunod na araw o linggo. 

O baka ako ang nakaramdam ng mga iyon.

Pagkatapos niya sa mabagal na paghubad ng sapatos at medyas, diretso s'ya sa kwarto.

Diretso naman ako sa ginagawa ko. Nakatungo. Pinapasadahan ng mainit na plantsa ang mga basang marka ng tubig sa aking long sleves. Nauumid.

***
Hinding hindi ko malilimutan ang tawag mong iyon sa aking telepono. Nanginginig ang aking pandinig nang tinawag mo ako sa aking pangalan. Alam ko nang may hindi tama. Hindi ko naman alam ang mararamdaman ko noong umiyak ka na sa pagdaing ng sakit.

Taranta ako. Kabado. Lakad ako paroo’t parito parang sa pelikula. Hindi malaman ang uunahin sa gagawin.

Kinausap ko sandali ang Diyos na wag kang pabayaan. Na ika’y bigyan ng sanlaksang tibay. Na ako’y bigyan ng kaunting tapang dahil nanikip na ang dibdib ko noong makita ka. Hindi mo na napansing tumalikod muna ako saglit. Punas-punas ang pawis ko ng laylayan ng damit. Pahid-pahid ng manggas ang di mapigilang bunga ng itinagong iyak. Hindi ko kayang makita kang nasasaktan. Na kung bakit ba hindi pa ako na lamang.

Dahil ubo’t sipon mo nga lang labis-labis na ang aking pag-aalala iyon pa kayang paglinsad ng buto mo ang hindi ko ikabahala?

Na ang magagawa ko lamang ay ang hindi ka iwan. Mula bago ka matulog para magamot. At kung hindi kumplikado ang buhay sa ating dalawa, nandoon din sana ako nung magising ka para makumusta. Para pagalitan ka sa hindi mo pagtupad sa pangakong Mag-iingat Ka. 

Para unahan ka sa araw-araw nating pagsabi ng Mahal Kita.
***
Si August.
Ilang taon na rin pala sa akin itong Agosto. Tatlo. At gaya ng karamihan sa aking naaalaala, lahat ito ay tila kapangyayari pa lamang kahapon. Malinaw pa. Matingkad. May karga pa ring damdamin ang bagsak ng memorya. Naiiwan ako parati sa guho ng lahat ng natatandaan. Parating nakikiramdam. Ako na lamang yata ang nakaaalam nito at itong buwan.

At pagtulog ko ngayong gabing maalinsangan, magpalit na sana ang buwan. Kahit isang mahabang araw na lang.

***
Kinamusta ko ulit siya sa kuwarto habang pabali-balikwas sa kanyang higaan. Hindi malaman kung saang gilid mahihimbing. Kung saan idadantay ang pilay. Sa kanya ko itinutok ang bentilador. Mas kailangan n’ya. Pinatay ko ang ilaw. Binuhay ang lamp shade.

“Yung uniform mo pinlantsa ko na”, sabi ko. ‘Salamat’ lang sa garalgal na boses ang narinig ko.

Tapos ay tahimik. Narinig ko lamang ang kanyang pagsinghap. 
“May kailangan ka pa?” tanong ko. 

Walang sagot. Ngunit masuyo ang pakiusap n'ya bago ako akmang tatalikod palabas – 
“Wag ka na munang umuwi sa inyo bukas...”
_____
para sa kaibigan kong lampa.

6 comments:

  1. Ang ganda ng sinulat mo. Gusto ko yung bago pa humiling na wag na muna umuwi, alam na natin ang sagot sa pakiusap na yun :)

    ReplyDelete
  2. Kasalanan sigurong ngayon lang ako nagawi sa lungga mo. Husay!


    Babackread sabay tumbling.

    ReplyDelete
    Replies
    1. Karangalan ko po. Maraming salamat! Pasensiya na ho dito.

      Delete
  3. Para pagalitan ka sa di pagtupad sa pangakong magingat ka.
    Para unahan ka sa araw araw nating pagsabi ng nahal kita.

    Panalo to ser.

    ReplyDelete
    Replies
    1. Salamat Alday. Typo pa nga rin eh noh.

      Champ ulit :)

      Delete