Showing posts with label sanaysayin. Show all posts
Showing posts with label sanaysayin. Show all posts

Sa Magkalayong Silangan

Mahirap pala talaga ang laging pagbawas ng limang oras kapag titingin sa relo. At iisipin sa oras na iyon kung kamusta na s’ya sa kabilang dulo nitong aming pagitan. Ang panahon.

Pagkatapos ay pilit ilalarawan sa isip na s’ya ay mahimbing na natutulog. O nagtitimpla ng kape sa trabaho. O nag-aagahan. O naghahapunan. O di kaya’y iniisip niya akong katulad niya sa isip ko.

      Alaala pa kaya niya ako ngayon katulad ng kahapon? 
      O kaninang makapananghali niya na siya namang pagtunog ng orasyon ko?

 Mahirap nga pala. Mahirap kalaban ang isip at panahon sa kahabaan ng distansiya.


Pero sa tuwing nagigising ako sa tawag nya, hindi ko na naaalintana ang oras; malabo na sa tubig ang mga mata ko. Hindi ko na rin naiisip pa ang layo ng tinatakbo ng boses n'ya mula sa kabilang dulo ng mundo upang muling mag-ibigan, upang bumati ng Maligayang Pagmamahalan.

Nawawalan ng saysay ang lahat ng mga tanong at lahat ng pag-aalala.

     Kung makapaniniil lamang ng halik ang Kamusta.
     Kung makapangyayakap lamang ang Miss na Kita.
     Kung makapagniniig lamang ang mga Buntong-hininga.

At kahit anong ligayang dala ng pagtawag n'ya, ihahanda ko pa ring wag niyang maulinigan ang aking pagkamahikbiin. Alam kong may hangganan ang mga linya:

     Lagi’t-laging mauuna ang Mahal Kita.
     (Sa parteng ito susuway ako sa bilin n'yang Wag Ka Nang Umiyak Pa.)

     Hanggang sabihin muli namin sa huli ang Paalam Na.

____________________
para kay B (Pasintabi kay Ricky Lee)

Agosto

Namamalantsa ako isang gabi. Dumating s’ya nang maaga sa karaniwan. Sementado ang kamay. May sling na nakasuporta sa leeg. Pawis. Pagod. Iniinda ang sakit.

Katulad ng dati wala s’yang imik. 

“Anong nangyari?” tanong ko.

“Nasemento” lang ang sagot n’ya sabay angat ng bendadong kamay para ipakita sa akin. Sementado mula palad hanggang lagpas pulso. Umangat ang tingin ko hanggang sa matamis n’yang ngiti. Itinatago noon ang sakit, init, yamot sa sarili  at pag-aalala sa mga dadanasing pagbabago sa mga susunod na araw o linggo. 

O baka ako ang nakaramdam ng mga iyon.

Pagkatapos niya sa mabagal na paghubad ng sapatos at medyas, diretso s'ya sa kwarto.

Diretso naman ako sa ginagawa ko. Nakatungo. Pinapasadahan ng mainit na plantsa ang mga basang marka ng tubig sa aking long sleves. Nauumid.

***
Hinding hindi ko malilimutan ang tawag mong iyon sa aking telepono. Nanginginig ang aking pandinig nang tinawag mo ako sa aking pangalan. Alam ko nang may hindi tama. Hindi ko naman alam ang mararamdaman ko noong umiyak ka na sa pagdaing ng sakit.

Taranta ako. Kabado. Lakad ako paroo’t parito parang sa pelikula. Hindi malaman ang uunahin sa gagawin.

Kinausap ko sandali ang Diyos na wag kang pabayaan. Na ika’y bigyan ng sanlaksang tibay. Na ako’y bigyan ng kaunting tapang dahil nanikip na ang dibdib ko noong makita ka. Hindi mo na napansing tumalikod muna ako saglit. Punas-punas ang pawis ko ng laylayan ng damit. Pahid-pahid ng manggas ang di mapigilang bunga ng itinagong iyak. Hindi ko kayang makita kang nasasaktan. Na kung bakit ba hindi pa ako na lamang.

Dahil ubo’t sipon mo nga lang labis-labis na ang aking pag-aalala iyon pa kayang paglinsad ng buto mo ang hindi ko ikabahala?

Na ang magagawa ko lamang ay ang hindi ka iwan. Mula bago ka matulog para magamot. At kung hindi kumplikado ang buhay sa ating dalawa, nandoon din sana ako nung magising ka para makumusta. Para pagalitan ka sa hindi mo pagtupad sa pangakong Mag-iingat Ka. 

Para unahan ka sa araw-araw nating pagsabi ng Mahal Kita.
***
Si August.
Ilang taon na rin pala sa akin itong Agosto. Tatlo. At gaya ng karamihan sa aking naaalaala, lahat ito ay tila kapangyayari pa lamang kahapon. Malinaw pa. Matingkad. May karga pa ring damdamin ang bagsak ng memorya. Naiiwan ako parati sa guho ng lahat ng natatandaan. Parating nakikiramdam. Ako na lamang yata ang nakaaalam nito at itong buwan.

At pagtulog ko ngayong gabing maalinsangan, magpalit na sana ang buwan. Kahit isang mahabang araw na lang.

***
Kinamusta ko ulit siya sa kuwarto habang pabali-balikwas sa kanyang higaan. Hindi malaman kung saang gilid mahihimbing. Kung saan idadantay ang pilay. Sa kanya ko itinutok ang bentilador. Mas kailangan n’ya. Pinatay ko ang ilaw. Binuhay ang lamp shade.

“Yung uniform mo pinlantsa ko na”, sabi ko. ‘Salamat’ lang sa garalgal na boses ang narinig ko.

Tapos ay tahimik. Narinig ko lamang ang kanyang pagsinghap. 
“May kailangan ka pa?” tanong ko. 

Walang sagot. Ngunit masuyo ang pakiusap n'ya bago ako akmang tatalikod palabas – 
“Wag ka na munang umuwi sa inyo bukas...”
_____
para sa kaibigan kong lampa.

Sa Linggo

May nag text sa akin ng "Kamusta".
Sa isip ko sabi ko "akala ko patay ka na?"

Text ulit s'ya ng "kita tayo sa Sabado?"
"Hindi muna siguro", ako ulit sa isip ko.

Wala akong load. Kahit siguro meron wala pa rin akong masasabi. Wala akong reply at wala na akong natanggap na mensahe ulit. Sinukuan na n'ya ako. Sumuko na rin ako. Wala na'ng maraming text at matagal na usapan. Pinalitan na 'yon ng mahahabang pag-iisip at malalalim na buntong-hininga.


Wala akong isusuot sa Sabado. Wala akong pambayad sa sine at pagkain. Wala akong oras sa dami ng gawain. Wala akong salamin. Wala na akong ikukwento sa'yo. Hindi mo na nga ata ako kilala. Wala na ang isip ko. Nawala ka gawa ko. Wala na rin yata ako.

Mag-iisip lang ako sandali. Bubuntong-hininga ng kaunti. Aalisin ko lang ang amoy mo sa balat ko pati ang boses mo sa ulo ko. Buburahin ko lang ang mukha mo sa isip ko tuwing nasasaktan ko. Tatanggalin ko lang ang udyok ng utak kong hawakan ka o yakapin o tingnan t'wing magkikita.

Magkikita ulit tayo. Ihahanda ko lang ang sarili ko. Papraktisin muna ang mga linya.

Hindi muna sa Sabado. Maglo-load na rin ako.

Saglit lang 'to.
____________

Panunumbalikan

Tuwing pagkakatapos ng taglamig at walang-wala nang dahon ang punong Narra sa kalayong bahay namin sa silangan, ganitong mga panahon din naglalagas ang aking kaluluwa. Nagluluno ang aking isip. Nagpapalit-pintig. Naiiba ang himig ng pamimihasa.


Hindi ito sadya. Siklo ito ng pagkatao kong mapambuyo sa panahon; mapambuno sa pagkakataon.

Ako lamang ito. Alam na alam ko na ang mga susunod. Bilang na bilang ko na ang mga ikot.

Ako lamang ito. At paglimot.

At paghakot muli ng pinaglipasan na ng panahong mga kasaysayan. Para sa pagpapaalalang ako lamang ito. At alaala. At pagmemorya muli sa bawat ikot ng panahon. Pananadya sa pagkakataon.

Alam mo na rin marahil ito. Sinasabi kong muli sayo: Tuwing pagkakatapos ng pagpapalaya ng tadahana, wala ka nang mauunawa.

Wala.
____________

Muhon

"Please remember that four months can extend to a lifetme.
There are many probabilities: water comes back to shore - 
not necessarily the same water,
not necessarily the same shore - belonging to one same set.
The earth is still one big mass of land and has one big body of liquid."
_____________

Ito raw yung naaalala n'ya - dagat, langit, bangka, tubig, alon. Wala pa ako.

Mabilis ang apat na buwan. Kailan naman kaya ang habambuhay? Kailan kaya ito sisimulan? Paano ba natin susukatin ang lifetime kung pare-pareho pa taong buhay? Paano natin yun mararanasan kung hindi natin alam na ito'y iyon na?

Pero kung kasama dito ang mga araw na ito at lahat ng  kahapong kasama s'ya, salamat sa pagpapaalala. 

Namatay na yata ako nang paulit-ulit. Ganoon din siguro s'ya. Hindi ko alam. Nabuhay ulit ako mag-aapat na taon na at kung nasaan man ang dulo nito, sana wala akong bagong tao roon na muling kasama. Hindi rin sana ako bagong tao roon na kasama s'ya.

Kaya wala munang kahit anong lalagpas mula rito. Ito ay hanggang naroon s'ya at  narito ako.

Paglipas na ng ating habambuhay ako mangangako.
____________
Circa 2009. Dito nagmula ang pangalan ng blog.

Alam Kong Walang Magbabasa ng Post na May Mahabang Title

Nagbiro ako sa tadhana. Pangisi-ngisi akong nag-iisip sa tabi ng mamang drayber sa jeep na sinasakyan ko. Maaga pa. Ayoko pang umuwi. Isang masamang maghapon ang nagdaan at wala sa mga bahay nila ang mga kaibigan kaya wala akong matatambayan.

Pagkasakay ko pa lang at pagkaabot ng pamasahe nanunukso na ang isip ko sa mga tagatakda ng tadhana: “Makita ko lang s’ya sa daan, bababa ako!” Baka ‘kako magandang senyales ‘yun na magkausap kami ulit, magkumustahan o magkita ng malapitan at hindi ‘yung kaway, tango at ngiti lang sa malayo. Kaso malabo. 

Una, ang huling sinabi n’ya sa akin eh ‘wag ko na lang daw siya ite-text. Pangalawa, ang alam ko gabi pa ang labas n’ya. Pangatlo, sayang ang walong pisong ibinayad ko pamasahe. Pang-apat, puputaktihin ako ng kaba, tuwa, yamot, takot at sakit nang sabay-sabay…

Sabay nakita ko s’ya sa may kanto. Ang pangisi-ngisi ko kanina naging tawa. Ako ang natawa sa biro ko. Medyo malakas. Napalingon si mamang drayber na katabi ko. Kailangang magpalusot. “Para  na ho,” sabi ko. Napailing na lang ako.

Hingang malalim. Punas ng pawis. Ayos ng k’welyo. Lakad-takbo. Nakatungo. Pagtunghay ko ilang hakbang pa magsasalubong na kami. Nagkunwari akong nagulat. (Na-master ko na ang reaks’yong iyon.)

“Uy! Kamusta?” tanong n’ya.
“’Eto.” (Na-master ko na rin ang sagot sa tanong na iyon.)

“Ayos ang buhok ah,” bati n’ya sa tirik-tirik kong buhok, iba sa nakasanayan n’yang pormal na ayos nito dati, “Bagay sa’yo.”

“Akala ko ayaw mo kasi mukha akong adik?”
“Okay naman pala,” at ginulo-gulo ang buhok ko.

Iniiwas ko ang ulo ko. “Sa’n ka papunta?”
“Pauwi na,” sagot n’ya. 

“Ikaw?” tanong n’yang wala sa sarili.
“Ihahatid ka.” 

Hinawakan ko ang braso n’ya at inalalayan paakyat ng pinara kong jeep. Umupo ako sa tapat ng inupuan niya at nag-abot ng bayad. 

Nawala ang usapan.

Tingin s’ya. 

Tingin ako.

Ngiti s’ya. 
Ngiti ako. 

Titingin naman ako sa malayo.

Hindi ko na matandaan kung gaano na katagal. Pakiramdam ko kasi parang kahapon lang ang lahat. Hindi ko na rin alam kung aling damdamin ang uunahin. Baka hindi ko na rin alam kung aling kahapon ang natatandaan ko.

Tingin ulit s’ya. 

Tingin ulit ako.

Tinitingnan ako ng aking iwinawaksing mga alaala - mga pinaka-iingatan, mga pinakamaliligaya, mga pinakamasasakit, mga pinakamagaganda.

Ngiti s’ya. May sumingit na alaala. 

Ngiti ako. Ilang beses din akong nasaktan nito.

Kasabay ng iba pang nagsipara, umuna ako sa kanya at inalalayan s’ya pababa. Isang traysikel pa ang sasakyan n’ya para makauwi. Naglakad kami papunta sa terminal.

“Kinakamusta ka lagi ng inay,” basag n’ya sa aming katahimikan.
“Kinakamusta din ba ako ng anak n’ya?” sagot ko.
“Hindi ka naman nagrereply.”
“Nagpalit ako ng number. Sabi mo din ‘wag na akong magtext. Nakakahiya naman…”

Katahimikan muli.

“Pasens’ya ka na,” sabi n’ya
“Saan?” tanong ko kahit hindi ko kailangan ng sagot.
“Sa lahat.” Hindi na s’ya tumingin. “Sa mga nangyari…”

Nilunod ng mga ingay ng kalye ang mga sumunod na sinabi n’ya. Siguro hindi na rin ako interesado sa mga paliwanag kaya wala na akong narinig. Hindi ko na rin naman kailangan.

“Tara sa bahay para makita ka naman ng inay,” yaya n’ya.
“Hindi na muna siguro. Gagabihin ako,” nagdahilan ako.
“Ano na’ng number mo?” tanong n’ya.
“Text na lang kita,” maikli kong sagot.

Papasakay na s’ya sa nakaparadang traysikel. Nagba-bye s’ya.
“Sige,” sabi ko, “Pasabi sa inay dadalaw ako bago ako umalis.”
Natawa s’ya. “Ha? Saan ka naman papunta?”

Hindi agad ako nakasagot. Nawala ang ngiti n’ya. Nahalata n’ya yatang seryoso ako. Humakbang ako paurong dahil mukhang paandar na ang traysikel. Nakatitig pa rin s’ya.

“Sa Australia.” sagot ko. 

Sabay lakad palayo. Walang lingon-likod.

Lakad. 

Lakad. 

Tingin sa langit. 

Nagbiro ulit sa tadhana habang ang dalawang daliri ay pilit pinagpipilipit. 

“’Wag ko na sana s’yang makita ulit.”
____________________________________

Sa iisa Kong Pares ng Uniform

Cream na polo barong at isang asul na pantalon – nag-iisang pares ko ng uniporme sa buong buhay kolehiyo. Tastas, nisnis, butas, mantsa at sunog ng plantsa na ang pinagdaanan nito pero hindi ako iniwan. Malambot pa ring yumakap at sumampay sa balikat ko ang aking polo at masuyo pa ring sumilo sa aking baywang ang aking pantalon hanggang sa huling araw ng pasukan.

Wala akong pambili ng kahalili o ng bagong pamalit. Kulang ang kita sa pagpa-part time. Mas maraming importanteng bayarin. Hanggat maisusuot, isusuot ko. Hanggat nagagamit, hindi ako bumibili ng kapalit. Kuripot ako sa sarili.

Hindi ko din naman talaga gusto ang unipormeng ‘yon pero isinuot ko. Natutunan ko na lamang ariin, tanggapin at pahalagahan dahil wala akong iba kundi iyon. Apat na taon iyong bumagay sa pagbaba at pagtaas ng timbang, nagtiis sa pawis at pabagu-bagong pabango, sumabay sa lakad at takbo, tinanggap ang dumi’t mantsang gawa ng kagaslawan ko.

Tapos na nga ang aming mga araw. Isisilid ko man ito sa pinakasulok ng aking aparador palagi kong maaalala ang pag-ibig nito sa aking katawan, ang pagbihis nito sa aking katauhan. 


Sa kanya ang aking paumanhin at pasasalamat.

____________________________________
Pagtatapos, Circa 2010

dito galing ang polo

Iyakin

Sapul.

Tinamaan ako.

Tinamaan ng lintik na driver ‘yan kung anu-anong pinatutugtog – gumuhit sa magkabilang tenga, sumadsad sa utak at kinanta ng maliit na boses sa ulo ko. Bumibingi ang kabisadong letra at bumabayo ang pamilyar na tono. Pinitsarahan ang kaluluwa ko at binugbog ng mga basagulerong alaala ang puso.

Nangangalahating bote pa lang ng C2 ang hawak ko at masyado pang mahaba ang biyahe para ibato sa mamang nasa likod ng manibela at sabihing: “Patayin n’yo ang radyo!!!” 

‘Wag.

Mahal ang C2. Uhaw ako. Bayad na ang pamasahe ko. Nasa gitna ako ng isang madilim na kalsadang hindi ko alam kung saan at ayokong masipa palabas ng sasakyan.

Wala akong inasahan sa aking pinuntahan. Wala. Nagpunta ako para ipusta ang natitira ko pang  kapasidad magmahal. Para ipusta ang madumi kong kaluluwa sa isang mahal. Pumusta ako sa larong ‘di ko rin naman alam kung paano mamuhunan ng panalo. Sumugal na naman ako.

At ako’y natalo.

Talo ako. Ano ba naman ang bago. Siyempre talo ako. At kinukutya pa ako ng radyo. Naiwan ako ng maghapon sa dulong likod ng huling biyahe ng jeep. Nahihilo sa sariling amoy alak. Nilubugan ng araw sa baku-bakong daang sinukahan. Nilalamnan ng C2 ang t’yan. Nakapikit. Nag-iisip. Nagtatanong kung saan may mali, saan may tama..saan ako bababa..

Talo ako at gaya ng tunay na adik ako’y babalik. Alam ko. P’wedeng bukas o makalawa para pumusta. Tataya ulit at baka sa banda riyan ay makabawi.

Talo ako pero nagtaka ang aking labi kung bakit ito nakangiti. Marahil epekto ng alcohol o ng bagong kantang pumalit sa kanina. O dahil pumayag ang isang kaibigang hindi ko isinugal sa pustahan na sa kanila ako magpalipas ng pesteng gabi.

Noon umaalis ako papunta kung saan at bumabalik na walang pasalubong sa sarili. Kanina nagdumali akong sumakay ng jeep. Pumara at lumagpas pa ng kaunti. Nauntog pagbaba at nakalimutan na ang sukli.

“Di bale”, sabi kong pilit ngumingiti.

“Katulad ng siguradong matinding hang-ober ko bukas, lilipas din ang lahat.”

Sabay hagulgol sa balikat ng nag-aabang kong kaibigan sa madilim nilang pultahan.
____________

Sa Wakas

     Sinisimulan kita sa pamamagitan ng lahat ng mga hindi ko nakasanayan; ng iilang mga hindi ko napagkakasyahang alalahanin at alalayan, ng iisang hindi ko matant'ya kung hanggang saan ang abot ng ngiti, kailan ang ligpit ng sabik, ilan ang hakbang ng hikbi:



     bumati ng magandang araw;
     manimbang maghapon;
     magmahal ng magdamag;
     manuyo ng buwan;
     akayin ang taon;
     tawirin ang kailanman

   



    at magsulat sa lahat ng pagitan.

____________

Bago Matapos ang Marso

Hindi mo na rin s'ya sinusulatan. Wala na rin s'yang masabi kundi patlang.

Baka kasi alam mo nang papalaki ang agwat ng inyong proksimidad. Baka alam mo nang ang inyong pagkakaibigan ay perpendikular. Ang inyong pagmamahal ay sentripital. Baka alam mo nang ang iyong araw ay ang grabedad ng kanyang tag-ulan.

O namamali lang s'ya.
     
Gayunman, paulit-ulit ka niyang babatiin. Hanggang ang araw mo ay sa Bituin.


Dahil may kanyang alituntunin ang uniberso sa lahat ng kasiping ng kanyang pisika, ang magagawa na lamang niya ay maglapat ng mga letra sa umuusad na espasyo ng inyong kalawakan. Para sa palaging pag-ikot dito ng mga mundo ay hindi siya maglalaho sa mga alaala.

Alam n'yang naririyan ka.
____________________________________

Lunch Mate

Ilang linggo na rin tayong sabay mananghalian. Magana tayong kumain nitong mga nakaraang araw. Mahilig ka sa fried rice kahit alam nating bahaw 'yan. Lagi ka pang may coke in can. Hinay-hinay ka lang.

Wag ka na ring magnakaw ng tingin kapag hihigop ka ng sabaw. Pwede mo naman akong titigan. Ako ba ang tingin nang tingin o ikaw? Kapag mapapasulyap kasi ako eh nakatingin ka rin kaya malamang ikaw. Mamumula ka lang sabay ayos ng salamin. Ako iiwas din ng tingin. Ngingiti-ngiti. Napapa-iling. Sasawayin ang sarili.

Baka naman hindi. Tigil. Tungo. Hingang malalim. Kain.

Ganyan tayo hanggang alas dose. Early lunch. D'yan ka sa table mo. Dito ako kasama ng magugulo kong katrabaho.

Ako nga pala si Fredericko. Taga...

Wag kang mag-alala. Alam ko naman ang dahilan kung bakit hindi pwedeng sa isang lamesa tayo mananghalian.
____________________________________

Inunan

Paggising ko bukas ito na lamang ang iyong bakas at wala na. Hindi mo na ako maaalala. Lilipas ang tingkad ng memorya at ang lahat ng idinidikta ng mga pandama ay ninipis, pupusyaw at lalaho.

Ikaw nama’y maglimi ng mga tunay mong hiling sa pagitan ng himlay at himbing nang hindi makagambala sa pananaginip ng may malalayang damdamin.


At pagmulat kong abay ang paglimot sa lahat ng umaga, magpapasalamat kang hindi mo na ako nakikilala. Magpapaumanhin naman akong  hindi na kita makakasama sa nakaw at hintay ng sana’y araw-araw na habang buhay-

     araw-araw na timbang at tantiya;
     habang buhay na lakas at lampa;

saka ka mag-magandang umaga.
____________

Bungad

Sa isang araw mo sa tag-araw ay nag-aantanda tayo sa pagpihit ng ating tag-init at hahayo tayo sa pagsasalit-salit sa lahat nating kinatapusan. Magsisimula ang lahat sa introduksyon ng sari-sariling pagsilang-

ako ay lamig, ikaw ay alab.

Ipaaalala muli nitong ako ito, ikaw iyan at ang dito’t doon nati'y

ritwal na pagpapaalam
siklikal na pagkakaibigan
at habitwal na pagmamahal.

At magmimintis man sa petsa, lilihis man sa oras, mayroon itong muhon sa lahat ng lupain ng panahon upang hindi maligaw ang ating kaluluwa sa lagi’t–laging pagsapit ng

matiwasay na pagdating,
mapayapang pag-alis o
masayang pagbabalik;
upang hindi masanay ang marurupok nating mga puso sa mga pangkaraniwan nang pagbati sa nakaraan-

ng isang maligayang kaarawan.
____________