Alam Kong Walang Magbabasa ng Post na May Mahabang Title

Nagbiro ako sa tadhana. Pangisi-ngisi akong nag-iisip sa tabi ng mamang drayber sa jeep na sinasakyan ko. Maaga pa. Ayoko pang umuwi. Isang masamang maghapon ang nagdaan at wala sa mga bahay nila ang mga kaibigan kaya wala akong matatambayan.

Pagkasakay ko pa lang at pagkaabot ng pamasahe nanunukso na ang isip ko sa mga tagatakda ng tadhana: “Makita ko lang s’ya sa daan, bababa ako!” Baka ‘kako magandang senyales ‘yun na magkausap kami ulit, magkumustahan o magkita ng malapitan at hindi ‘yung kaway, tango at ngiti lang sa malayo. Kaso malabo. 

Una, ang huling sinabi n’ya sa akin eh ‘wag ko na lang daw siya ite-text. Pangalawa, ang alam ko gabi pa ang labas n’ya. Pangatlo, sayang ang walong pisong ibinayad ko pamasahe. Pang-apat, puputaktihin ako ng kaba, tuwa, yamot, takot at sakit nang sabay-sabay…

Sabay nakita ko s’ya sa may kanto. Ang pangisi-ngisi ko kanina naging tawa. Ako ang natawa sa biro ko. Medyo malakas. Napalingon si mamang drayber na katabi ko. Kailangang magpalusot. “Para  na ho,” sabi ko. Napailing na lang ako.

Hingang malalim. Punas ng pawis. Ayos ng k’welyo. Lakad-takbo. Nakatungo. Pagtunghay ko ilang hakbang pa magsasalubong na kami. Nagkunwari akong nagulat. (Na-master ko na ang reaks’yong iyon.)

“Uy! Kamusta?” tanong n’ya.
“’Eto.” (Na-master ko na rin ang sagot sa tanong na iyon.)

“Ayos ang buhok ah,” bati n’ya sa tirik-tirik kong buhok, iba sa nakasanayan n’yang pormal na ayos nito dati, “Bagay sa’yo.”

“Akala ko ayaw mo kasi mukha akong adik?”
“Okay naman pala,” at ginulo-gulo ang buhok ko.

Iniiwas ko ang ulo ko. “Sa’n ka papunta?”
“Pauwi na,” sagot n’ya. 

“Ikaw?” tanong n’yang wala sa sarili.
“Ihahatid ka.” 

Hinawakan ko ang braso n’ya at inalalayan paakyat ng pinara kong jeep. Umupo ako sa tapat ng inupuan niya at nag-abot ng bayad. 

Nawala ang usapan.

Tingin s’ya. 

Tingin ako.

Ngiti s’ya. 
Ngiti ako. 

Titingin naman ako sa malayo.

Hindi ko na matandaan kung gaano na katagal. Pakiramdam ko kasi parang kahapon lang ang lahat. Hindi ko na rin alam kung aling damdamin ang uunahin. Baka hindi ko na rin alam kung aling kahapon ang natatandaan ko.

Tingin ulit s’ya. 

Tingin ulit ako.

Tinitingnan ako ng aking iwinawaksing mga alaala - mga pinaka-iingatan, mga pinakamaliligaya, mga pinakamasasakit, mga pinakamagaganda.

Ngiti s’ya. May sumingit na alaala. 

Ngiti ako. Ilang beses din akong nasaktan nito.

Kasabay ng iba pang nagsipara, umuna ako sa kanya at inalalayan s’ya pababa. Isang traysikel pa ang sasakyan n’ya para makauwi. Naglakad kami papunta sa terminal.

“Kinakamusta ka lagi ng inay,” basag n’ya sa aming katahimikan.
“Kinakamusta din ba ako ng anak n’ya?” sagot ko.
“Hindi ka naman nagrereply.”
“Nagpalit ako ng number. Sabi mo din ‘wag na akong magtext. Nakakahiya naman…”

Katahimikan muli.

“Pasens’ya ka na,” sabi n’ya
“Saan?” tanong ko kahit hindi ko kailangan ng sagot.
“Sa lahat.” Hindi na s’ya tumingin. “Sa mga nangyari…”

Nilunod ng mga ingay ng kalye ang mga sumunod na sinabi n’ya. Siguro hindi na rin ako interesado sa mga paliwanag kaya wala na akong narinig. Hindi ko na rin naman kailangan.

“Tara sa bahay para makita ka naman ng inay,” yaya n’ya.
“Hindi na muna siguro. Gagabihin ako,” nagdahilan ako.
“Ano na’ng number mo?” tanong n’ya.
“Text na lang kita,” maikli kong sagot.

Papasakay na s’ya sa nakaparadang traysikel. Nagba-bye s’ya.
“Sige,” sabi ko, “Pasabi sa inay dadalaw ako bago ako umalis.”
Natawa s’ya. “Ha? Saan ka naman papunta?”

Hindi agad ako nakasagot. Nawala ang ngiti n’ya. Nahalata n’ya yatang seryoso ako. Humakbang ako paurong dahil mukhang paandar na ang traysikel. Nakatitig pa rin s’ya.

“Sa Australia.” sagot ko. 

Sabay lakad palayo. Walang lingon-likod.

Lakad. 

Lakad. 

Tingin sa langit. 

Nagbiro ulit sa tadhana habang ang dalawang daliri ay pilit pinagpipilipit. 

“’Wag ko na sana s’yang makita ulit.”
____________________________________

12 comments:

  1. Ah eh tadhan na ang makapgsasabi nya. Kung pahihintulutan o di kaya'y babrasuhin ng tadhana na magkikita kayo, magkokota talaga kayo ulit. Ngayong araw, pangalawa itong isinulat mo na nagpakilig sa damdamin ko nang bahagya (siguro dahil sa tuwing umiihi nalang ako nakararamdam ng kilig?). Ang kaso, may lungkot sa dulo. Gusto ko yung ganitong pagkasulat ng usapan at kkwento. Nakagawa na ako ng isang ganito pero di ko na inulit kasi mahirap.

    Magandang araw sir :)

    ReplyDelete
    Replies
    1. Mahirap nga magsulat ng ganito. Hindi ako marunong. Bahagyang kilig lang ba? hehe

      salamat sir sa laging pagdalaw dito at pag-iwan ng komento.

      Delete
  2. Salamat sa pagdalaw sa aking lungga kabayan, sensya naman at ngayon lang ulit nakadalaw dito pero binasa ko yun mga nagdaang post mo. :)

    Natuwa naman ako dito sa poste mo, kahit na may lungkot sa dulo ay may kilig-factor din naman. Sana ay mga ganitong tema na ang mabasa ko dito palagi, may lungkot man magaan pa rin naman sa dibdib, di kasing bigat nung mga ibang poste mo dati. Sana sa susunod, happy ending naman... ;)

    ReplyDelete
    Replies
    1. Medyo busy ka nga sa travels mo. hehe. salamat at nakakadaan ka pa rin dineh sa Muhon.

      Hindi maiiwasan ang mga mabibigat na poste eh. Hayaan mo't hahanap ako ng happy ending.

      Delete
    2. Hehe, di ako busy sa travel kundi sa wala, wala akong ginagawa at walang ganang gumawa dahil di ko alam ang gusto kung gawin. Buti pa dito sa komento sa blog mo, marami akong sinabing 'gawa'. Hays... ;(

      Delete
    3. aba mahirap gumawa ng wala. hindi mo alam kung tapos ka na gawin yun. hehe..

      kala ko busy ka sa pagpunta kung saan. sasamahan kita minsan. daan ka dineh sa may amin

      Delete
  3. hay naku red....

    heto na naman tayo may lungkot, may kilig... at syempre bilib na bilib naman ako... ikaw na talaga...

    ReplyDelete
    Replies
    1. me already? hehe

      pasensya na at hindi masyadong nakakadalaw sa dot.com blog mo ha. salamat sa pagbisita dito ma'am!

      alam mo na..

      Delete
  4. may napansin ako sa jeep, sa papuntang terminal at sa paalam. pinasimple lang pero may nakatago sa huli. ewan ko ba. anyways draw your own ending naman 'diba? husay!

    ReplyDelete
    Replies
    1. salamat Blindpen.

      Ikaw ang mahusay sa mga ganito. Ano sa tingin mo ang nangyari?

      Delete
  5. wow... galing! hindi totoong walang magbabasa ng mahabang title...

    ReplyDelete
    Replies
    1. Naku senyor, salamat. Hindi nga totoo. May limang pumatol sa mahabang post. :)

      May utang pa ako sa'yong post. Hayaan mo at isusunod ko

      Delete