Iyakin

Sapul.

Tinamaan ako.

Tinamaan ng lintik na driver ‘yan kung anu-anong pinatutugtog – gumuhit sa magkabilang tenga, sumadsad sa utak at kinanta ng maliit na boses sa ulo ko. Bumibingi ang kabisadong letra at bumabayo ang pamilyar na tono. Pinitsarahan ang kaluluwa ko at binugbog ng mga basagulerong alaala ang puso.

Nangangalahating bote pa lang ng C2 ang hawak ko at masyado pang mahaba ang biyahe para ibato sa mamang nasa likod ng manibela at sabihing: “Patayin n’yo ang radyo!!!” 

‘Wag.

Mahal ang C2. Uhaw ako. Bayad na ang pamasahe ko. Nasa gitna ako ng isang madilim na kalsadang hindi ko alam kung saan at ayokong masipa palabas ng sasakyan.

Wala akong inasahan sa aking pinuntahan. Wala. Nagpunta ako para ipusta ang natitira ko pang  kapasidad magmahal. Para ipusta ang madumi kong kaluluwa sa isang mahal. Pumusta ako sa larong ‘di ko rin naman alam kung paano mamuhunan ng panalo. Sumugal na naman ako.

At ako’y natalo.

Talo ako. Ano ba naman ang bago. Siyempre talo ako. At kinukutya pa ako ng radyo. Naiwan ako ng maghapon sa dulong likod ng huling biyahe ng jeep. Nahihilo sa sariling amoy alak. Nilubugan ng araw sa baku-bakong daang sinukahan. Nilalamnan ng C2 ang t’yan. Nakapikit. Nag-iisip. Nagtatanong kung saan may mali, saan may tama..saan ako bababa..

Talo ako at gaya ng tunay na adik ako’y babalik. Alam ko. P’wedeng bukas o makalawa para pumusta. Tataya ulit at baka sa banda riyan ay makabawi.

Talo ako pero nagtaka ang aking labi kung bakit ito nakangiti. Marahil epekto ng alcohol o ng bagong kantang pumalit sa kanina. O dahil pumayag ang isang kaibigang hindi ko isinugal sa pustahan na sa kanila ako magpalipas ng pesteng gabi.

Noon umaalis ako papunta kung saan at bumabalik na walang pasalubong sa sarili. Kanina nagdumali akong sumakay ng jeep. Pumara at lumagpas pa ng kaunti. Nauntog pagbaba at nakalimutan na ang sukli.

“Di bale”, sabi kong pilit ngumingiti.

“Katulad ng siguradong matinding hang-ober ko bukas, lilipas din ang lahat.”

Sabay hagulgol sa balikat ng nag-aabang kong kaibigan sa madilim nilang pultahan.
____________