Iyakin

Sapul.

Tinamaan ako.

Tinamaan ng lintik na driver ‘yan kung anu-anong pinatutugtog – gumuhit sa magkabilang tenga, sumadsad sa utak at kinanta ng maliit na boses sa ulo ko. Bumibingi ang kabisadong letra at bumabayo ang pamilyar na tono. Pinitsarahan ang kaluluwa ko at binugbog ng mga basagulerong alaala ang puso.

Nangangalahating bote pa lang ng C2 ang hawak ko at masyado pang mahaba ang biyahe para ibato sa mamang nasa likod ng manibela at sabihing: “Patayin n’yo ang radyo!!!” 

‘Wag.

Mahal ang C2. Uhaw ako. Bayad na ang pamasahe ko. Nasa gitna ako ng isang madilim na kalsadang hindi ko alam kung saan at ayokong masipa palabas ng sasakyan.

Wala akong inasahan sa aking pinuntahan. Wala. Nagpunta ako para ipusta ang natitira ko pang  kapasidad magmahal. Para ipusta ang madumi kong kaluluwa sa isang mahal. Pumusta ako sa larong ‘di ko rin naman alam kung paano mamuhunan ng panalo. Sumugal na naman ako.

At ako’y natalo.

Talo ako. Ano ba naman ang bago. Siyempre talo ako. At kinukutya pa ako ng radyo. Naiwan ako ng maghapon sa dulong likod ng huling biyahe ng jeep. Nahihilo sa sariling amoy alak. Nilubugan ng araw sa baku-bakong daang sinukahan. Nilalamnan ng C2 ang t’yan. Nakapikit. Nag-iisip. Nagtatanong kung saan may mali, saan may tama..saan ako bababa..

Talo ako at gaya ng tunay na adik ako’y babalik. Alam ko. P’wedeng bukas o makalawa para pumusta. Tataya ulit at baka sa banda riyan ay makabawi.

Talo ako pero nagtaka ang aking labi kung bakit ito nakangiti. Marahil epekto ng alcohol o ng bagong kantang pumalit sa kanina. O dahil pumayag ang isang kaibigang hindi ko isinugal sa pustahan na sa kanila ako magpalipas ng pesteng gabi.

Noon umaalis ako papunta kung saan at bumabalik na walang pasalubong sa sarili. Kanina nagdumali akong sumakay ng jeep. Pumara at lumagpas pa ng kaunti. Nauntog pagbaba at nakalimutan na ang sukli.

“Di bale”, sabi kong pilit ngumingiti.

“Katulad ng siguradong matinding hang-ober ko bukas, lilipas din ang lahat.”

Sabay hagulgol sa balikat ng nag-aabang kong kaibigan sa madilim nilang pultahan.
____________

16 comments:

  1. kwento/tula/poste, yaan laang sila at wala ng iba pa, di ga? ;)

    manigong bagong taon kabayan! :)

    ReplyDelete
    Replies
    1. tama. pero minsan may sari-sarili lirin silang kasaysayan.


      happy new year!

      Delete
    2. Tama nga kabayan, may sari-sarili silang kasaysayan, pero mas nais kong isipin na ang lahat ng narito ay walang kinalaman sa kwento ng iyong buhay, na sila ay tula/kwento/poste laang, ala ng iba pa. Ay kabig-at eh, kahirap dalhin...

      Delete
    3. meron namang kinalaman sa aking buhay. binali lang ng kaunti para magkasya dito. mabigat nga dalhin kaya dito na lang silang lahat.

      Delete
  2. napakaganda nito idol red... makatang makata ang pagkakagawa at malalim.. simpleng ikukwento na pinaigting ng matatalas na salita.. idol talaga!


    wag tayong magsawang sumugal, walang ipinanganak na ang tadhana ay malas..

    ReplyDelete
    Replies
    1. salamat sa mga magagandang komento ser.

      Tama. Hindi ako magsasawang sumugal. Pustahan? :)

      Delete
  3. nagustuhan ko ang pagkakalahad.... mukhang may pinaghigutan.... Keep on writing...

    ReplyDelete
  4. Heto ka na naman... may pinaghuhugutan... hindi naman malaman kung saan...

    Sige, iisipin ko na lang na si Red ay nalasing sa C2 :P

    ReplyDelete
    Replies
    1. ganyan nga. Lasing sa C2 na red.

      quota na sa plugging ang C2 sa sa atin ha.

      Delete
  5. Ang galing! Gusto ko yung writing style mo.

    Nako. Pag gising mo nito kinabukasan e uhaw na uhaw ka! (nakarelate pala?) Hahaha!

    ReplyDelete
    Replies
    1. naku salamat po sa nice words.

      ganun nga. uhaw na uhaw at masakit ang ulo. :)

      Delete
  6. At ngayon ko laang nakitang taga Batangas ka pala! Dine laang ako sa Laguna, karatig bayan mo. Limang taong nabuhay na napapaligiran ng mga Batangueno.

    Kaya pala naman ikay nagdumaling sumakay ng jeep e no? Karipas na ata. ;)

    Palow kita ngay'on! :D

    ReplyDelete
    Replies
    1. ako nama'y dineh makalampas ng star tollway.

      Pinalow kita ser at ni-link narin.

      salamat ho!

      Delete
  7. di naman nangangahulugan na umiyak ka eh mahina ka. Minsan kailangan mong umiyak para lumuwag ang paninikip ng kalooban mo. Napadaan lang ako sa page mo at sa totoo lang eh nakainom din ako sa mga oras na ito :)

    ReplyDelete
    Replies
    1. tama. minsan kailangan din yan para malaman mong nakakaramdam ka.

      salamat Rix. kampai pa!

      Delete