Sa iisa Kong Pares ng Uniform

Cream na polo barong at isang asul na pantalon – nag-iisang pares ko ng uniporme sa buong buhay kolehiyo. Tastas, nisnis, butas, mantsa at sunog ng plantsa na ang pinagdaanan nito pero hindi ako iniwan. Malambot pa ring yumakap at sumampay sa balikat ko ang aking polo at masuyo pa ring sumilo sa aking baywang ang aking pantalon hanggang sa huling araw ng pasukan.

Wala akong pambili ng kahalili o ng bagong pamalit. Kulang ang kita sa pagpa-part time. Mas maraming importanteng bayarin. Hanggat maisusuot, isusuot ko. Hanggat nagagamit, hindi ako bumibili ng kapalit. Kuripot ako sa sarili.

Hindi ko din naman talaga gusto ang unipormeng ‘yon pero isinuot ko. Natutunan ko na lamang ariin, tanggapin at pahalagahan dahil wala akong iba kundi iyon. Apat na taon iyong bumagay sa pagbaba at pagtaas ng timbang, nagtiis sa pawis at pabagu-bagong pabango, sumabay sa lakad at takbo, tinanggap ang dumi’t mantsang gawa ng kagaslawan ko.

Tapos na nga ang aming mga araw. Isisilid ko man ito sa pinakasulok ng aking aparador palagi kong maaalala ang pag-ibig nito sa aking katawan, ang pagbihis nito sa aking katauhan. 


Sa kanya ang aking paumanhin at pasasalamat.

____________________________________
Pagtatapos, Circa 2010

dito galing ang polo

14 comments:

  1. tunay naman. aanhin mo ang bago, kung mayroon ka namang nakasanayan na nakasanayan na ring sakyan ang pagtitipid mong trip hehe. may aral.

    di ko mapindot yung link. dati mo na itong naisulat?

    ReplyDelete
    Replies
    1. Oo dati pa yan nung naggraduate nung college.

      Delete
  2. Nakakaiyak naman nakarelate ako dito sobra :) Kahit ako itatago ko rin hamakin mo saksi siya sa lahat ng pinagdaanan mo na hirap at hindi siya bumitaw. Anyway, suporta na rin ako dito pasuporta rin po ah :)

    ReplyDelete
    Replies
    1. salamat sa suporta ma'am.

      muntik muntikanan ng hindi matapos ang apat na taon na 'yon. Masuwerte ako at nakatapos.

      Delete
    2. kapag matiyaga at determinado ka talaga tiyak matatapos mo ang ano man na sinimulan mo. Sumuporta ulit saiyo, have a wonderful week! :)

      Delete
    3. suporta lang ng suporta ma'am! salamat po

      Delete
  3. Wala man akong naging uniporme noong kolehiyo, swak sa sakto ang akdang ito ginoo... Ako'y naantig at nanumbalik ang aking paghihirap makatapos lang ng kolehiyo...

    Kaya pala idolo ka ni kaibigang Blindpen ay dahil sa mga gawa mong gaya nito...

    More backread ako para mas makilala kita ng lubusan. Para naman 'pag ibibigay ko na ang premyo mo, marami tayong pwedeng mapag-usapan...


    ReplyDelete
    Replies
    1. salamat senyor. tagal ko bago nakabalik dito. hindi ko pa nga pala nakuha ang premyo. gusto ko na rin ng kape :).

      Delete
  4. Nakunsensya ako :( medyo nakakaluwag kasi ako nung college at pag may hindi napagbigyan sa aking hiling agad akong nagtatampo. Dala lang naman siguro ng kabataan ko yun at in fairness mabait naman ako sa pag aaral.

    Isa na namang napakagaling na likha mula sa aking idolo. Pasensya na kapatid madalang akong makapasyal at sobrang abala sa tunay na buhay.

    ReplyDelete
    Replies
    1. ako nga din ma'am ang tagal kong di nakapasyal. salamat at pag may oras ka eh napapadpad ka dito.

      Delete
  5. sir magandang araw, ngayon lang ako nakabalik dito marami na palang update. Di ko na napapansin dahil yung finafollow kong blog mo ito ang lumalabas http://tubalan.blogspot.com/ kahit paulit ulit kitang sinusundan. Ano kayang maari kong gawin? Maraming salamat at magandang araw!

    ReplyDelete
    Replies
    1. pangalawa ka nang ganyan ang nangyayari sir. ano kayang problema dito,,wala pa naman akong muwang sa mga ganito

      Delete
  6. kunin mo yung link ng sarili mong feed kabayan. o di kaya e isama mo sa blogroll mo yung sariling blog mo. tapos alisin mo isa-isa mga ads mo dito sa blog, sa bawat bura mo tignan mo kung tamang link na ang lumalabas.

    ReplyDelete
    Replies
    1. salamat! sa tingin ko ok naman na. feedback nyo ako pag may aberya pa. salamat ulit!

      Delete