Baby, You're A

Hindi ko alam kung anong mayroon sa pagsabog ng makukulay na liwanag sa kalangitan ang nakapagpapaligaya sa akin. Ilang minuto lang naman ng ingay at usok at ilang saglit ng pagka-ngawit ng leeg ang napapala ko pero sige pa rin ako sa pagtingala – abot-tenga ang ngiti at nakangangang parang bata.

Ang una kong pagkakita noon ay matagal na. Hindi na rin ako bata. Tambay ako sa may Uptown at noo’y nagpipilit tumanda. Out of school, katatanggal lang sa trabaho, pampasikip ng kalye sa harap ng kainang maraming bata, kasama ko ang kaibigang lagi kong kasabwat sa pagpapalipas ng oras at panahon.
Doon. Sa pagitan ng fastfood na tindahan at gusaling may malaking orasan. Doon ako unang namangha sa pagsalangit ng mga pulbura – pagsabog, pagliwanag, paglaho. Walang kaparis na saya sa walang kaparis na pagkakataon. Sa ilalim ng makulay na langit, sa ibabaw ng malamig na konkretong daan, sa tabi ng nagmamahal at nagbabata-bataan kong kaibigan ako ay nahawa at muling naging bata. Pero hindi tulad n’ya at ng natunghayang makulay na palabas, mukhang sa akin ay hindi ito nagwakas.

‘Yun na nga siguro. Bata. Mayroon yata sa akin na hindi tumanda. 

Mayroong kislap ang fireworks na hindi bumubulag sa aking mata. May tunog ang mga pagsabog na hindi bumibingi sa aking tenga. Ang saglit na ningning at dagundong ay parating nagdadala ng hindi nalulumang mga alaala, mga bagong pag-asa, mga musmos na pangarap, bubot na pag-ibig at mga sariwang umpisa. 

Kaya’t lilipas itong lahat sa aking mga pandamang tumatanda ngunit hindi ang ligaya sa puso kong isip-bata.
____________________________________
sa muling pagbubukas ng McDo sa may Ayala, paparapapa!

4 comments:

  1. lahat naman yata ng tao ay na-amaze sa mga fireworks. ganun din ako. at lahat din tayo may isang parte sa atin na hindi or ayaw tumanda...

    kamusta ka kapatid? mukang madalas kang maglaho sa ngayon ah. isa pang dahilan ng pagdalaw ko ay upang sabihing may award ka dito :)

    http://balutmanila.blogspot.com/2012/06/versatile-blogger-award.html

    ReplyDelete
    Replies
    1. matagal tagal na nga rin akong hindi napapadpad dito. salamat nakakadalaw ka pa rin.

      salamat sa award! yey! my first. :)

      Delete
  2. noong bata pa tayo, gusto natin tumanda, maging dalaga o binata na. ngayong matanda na, gusto nating balikan ang pagiging bata, kung pwede nga lang di na tayo tumanda. hays, buhay nga naman!

    pero bata o matanda man, natutuwa talaga sa mga fireworks, ang ganda kaya nilang pagmasdan. kaya next year, sana makanood na ko ng fireworks competition. abangan mo din yun para mabusog ang iyong mata sa makulay na ilaw ng mga fireworks. see you there...hehe!

    ReplyDelete
    Replies
    1. punta ka next time. ang fireworks eh parang drugs sa akin. Nung nanood ako nun high na high ako :)

      Abangan natin ulit next year!

      Delete