Sa Aking Tag-araw

Napakahirap balikan ng tag-araw. 

Paano mo nga ba ibabalik ang alinsangan, ang alikabok sa daan, ang bitak ng lupa, ang tining ng dagat, ang nipis ng hangin, ang init ng buhangin, ang mga saranggola sa itaas at mga batang amoy pawis na nagpatayog sa kanila? 

Mahirap.

Ako'y naiwan. At ako'y nagpapaalam sa aking tag-araw. Wala akong nasilayang tubig na mapaglalabhan ng marumi kong kaluluwa kaya ako'y nanlilimahid pa rin sa mga nagdaang mantsa. Hindi kami nakapaglaba ng aking kaibigan at nakapagsampay sa ilalim ng mainit na araw.
Napamahal na ako sa ulan. Sa ligayang dulot ng pagtatampisaw sa mga mumunting dagat ng siyudad na ito; sa maya't mayang pagkabasa ng aking matigas na ulo at malambot na bumbunan; sa lamig ng paligid at sa linis ng hangin pagkakatapos nitong bumuhos; sa paglalangoy sa mga butil ng tubig sa ilalim ng maitim na langit. Walang payong o kapote. Hindi ako takot sa sipon. Hindi naman siguro ako magkakasakit. May tiwala ako sa ulan. Sa aking ulan.

Kaya ibigay natin sa tag-araw ang sa kanya.

Ako nama'y hahawak sa kamay ng aking tag-ulan at magbibilad ng mga tuyong pangarap at maduduming alaala sa kanyang bawat buhos.

Mahirap ding akayin ang tag-ulan.

Pero hindi singhirap ng pagbalik ng tag-araw.
____________

10 comments:

  1. hayun! bumalik na rin at muli kong nabasa ang iyong pagka-makata ;)
    at mukang may pinaghuhugutan ang aking kapatid... share naman he he

    wagas ang larawan - wala akong masabi...

    salamat sa pagdaan sa king blog at sa iyong pagbati. isa pa nga at marami pang ganitong post kapatid?

    ReplyDelete
    Replies
    1. wala naman masyadong pinaghuhugutan. hehe.

      wagas talaga. kita mo ba kung gaano ka-tining ng dagat pag tag-araw? sa susunod na tag-araw pa ulit mangyayari yan.

      salamat sa palaging pagbisita dito ma'am!

      Delete
  2. Hindi maarok ang damdaming nakapaloob sa iyong isinulat, kalalim ga naman. Pero tag-araw o tag-ulan man, dapat na magpasalamat tayo dahil pareho itong may dalang aral sa ating buhay, kailangan parehong present, kailangan balanse. (Ano raw?! Di ko rin mawari eh, wag mo na lang pansinin...hehe)

    ReplyDelete
    Replies
    1. kayang kayang arukin yan. kaunting sisid lang. hehe.

      O kaya wag na lang natin pansinin nga.

      salamat sa komento.

      Delete
  3. gusto kong pagmasdan ang bughaw na langit sa tag araw... at sa tag ulan naman ang bawat patak ng ulan...ay..hehe..nagiging makata rin na ako..galing mo ah.

    ReplyDelete
    Replies
    1. salamat sendo. wag ka sana magsawa sa pagpalagi dito.

      salamat ulit.

      Delete
  4. May pinaghuhugutan ba ito? grabe ah. nararamdaman ko. :)

    ReplyDelete
  5. okay ung picture na ginamit mo dito... ganda ng kuha...

    about naman sa naisulat mo... lumalabas ang pagiging makata mo.. mahusay....

    ReplyDelete
    Replies
    1. salamat sir, ang kuha ay sa isang resort sa Lemery, Batangas bago pa sumanting ang tag-araw.

      isang karangalan ang mapuri ni JonDmur. Salamat ulit!

      Delete