Hanggang sa Hangganan

DRP,

Ito na yata yun. Ito na ang dulo.

Labingdalawa. Yan ang bilang ng mga taon. Yan ang bilang ng panahon. Labingdalawang kaarawan, Pasko, Bagong Taon, Patay ang Diyos, mahabang usapan, kape, kainan, tubig, fireworks.. maraming marami..

Hindi kayang isaysay ng iilang sulat sa nagdaang sampung taon.

At ngayon nga ay kaarawan mo na naman. Tanda ng kung ilang taong pagkakaibigan. Labingdalawa, kagaya ng paborito mong numero. Marami na nga akong utang na sulat.

At ewan ko. Nararamdaman kong ito na ang huli para sa ngayon. Ito na ang pormal kong pagpapaalam. Sa pagkabata. Sa pagka dalaga. Sa paglalaro ng salita. Sa mapangarap kong diwa. Tama ka. Nawala na nga ako. Dahil ginusto ko. Sa hindi ko matukoy na panahon at punto, binitawan ko ang pagkatao ko na nakatali sa pagkakaibigan natin. Sa mga nakaraan. Sa mga lumang kaibigan. 

At kahit pilitin kong manatili ang dalawang bahagi ng buhay ko sa ngayon, pilit na naisasantabi ang isa. Natatabunan. Nalilibing ng mga alaala. Kahit ang daloy ng mga salita at damdamin ay nawala. Kasabay ng katahimikan. Kasabay ng distansya. Kasabay ng pagbabago ng tibok ng puso at pagdaan ng maraming taon.

Tanging ang pasulput-sulpot na mga salita at alaala ang nagpapagunita.. Tanging mga araw, kagaya ngayon. Pilit ko mang isipin, ang kahapon ay malayong kahapon na. 


Napakalayo na.

Wala na nga ang bata. At hindi ka kilala ng matanda. Pilit nyang inaaninag kung ano ang nakaraan nya sa mga mata mo. Sa taun-taong pagbati at sa paminsan-minsang pagyakap.

Ngunit ito man ang huli, gusto kong sabihin na walang paglimot. Buong paggalang ang mayroon ako sa ating pagkakaibigan at pagmamahal. At kung oras man ay magkulang, mabago man ang takbo ng buhay at lumawak man ang pagitan, sa dulo ay babalik tayo sa simula. Kung kailan man yun.

Maaaring hindi sa pang-labindalawang kaarawan, maaaring sa susunod na pang-labindalawa. O higit pa.

O bago pa iyon.


RDP
Setyembre 2014
____________
sulat ng aking kaibigan sa pagitan.