Sa Magkalayong Silangan

Mahirap pala talaga ang laging pagbawas ng limang oras kapag titingin sa relo. At iisipin sa oras na iyon kung kamusta na s’ya sa kabilang dulo nitong aming pagitan. Ang panahon.

Pagkatapos ay pilit ilalarawan sa isip na s’ya ay mahimbing na natutulog. O nagtitimpla ng kape sa trabaho. O nag-aagahan. O naghahapunan. O di kaya’y iniisip niya akong katulad niya sa isip ko.

      Alaala pa kaya niya ako ngayon katulad ng kahapon? 
      O kaninang makapananghali niya na siya namang pagtunog ng orasyon ko?

 Mahirap nga pala. Mahirap kalaban ang isip at panahon sa kahabaan ng distansiya.


Pero sa tuwing nagigising ako sa tawag nya, hindi ko na naaalintana ang oras; malabo na sa tubig ang mga mata ko. Hindi ko na rin naiisip pa ang layo ng tinatakbo ng boses n'ya mula sa kabilang dulo ng mundo upang muling mag-ibigan, upang bumati ng Maligayang Pagmamahalan.

Nawawalan ng saysay ang lahat ng mga tanong at lahat ng pag-aalala.

     Kung makapaniniil lamang ng halik ang Kamusta.
     Kung makapangyayakap lamang ang Miss na Kita.
     Kung makapagniniig lamang ang mga Buntong-hininga.

At kahit anong ligayang dala ng pagtawag n'ya, ihahanda ko pa ring wag niyang maulinigan ang aking pagkamahikbiin. Alam kong may hangganan ang mga linya:

     Lagi’t-laging mauuna ang Mahal Kita.
     (Sa parteng ito susuway ako sa bilin n'yang Wag Ka Nang Umiyak Pa.)

     Hanggang sabihin muli namin sa huli ang Paalam Na.

____________________
para kay B (Pasintabi kay Ricky Lee)