Nagbalik ako ng kapatagan mas maaga sa dagsa ng mga biyaherong luluwas. Pagkapananghali pa lang katulad ng bawat pagkakataong luluwas ako, malungkot akong nag-empake at naghandang umalis. Mag-isa akong nagbalot ng macaroni salad at cake mula sa hindi naubos naming handa sa pagsalubong ng taon. Paborito ko ang mga iyon.
Malabo ang mga mata ko habang papasok sa kwarto. Sinukbit ang mabigat kong bag. Naka-head set doon ang kapatid kong bunso at tutok sa kung anong pinanonood. Inabutan ko ng tatlong daang piso pambili n'ya daw ng SD card. Iniwan ko rin sa kanya ang nag-iisa kong relos na matagal na niyang ina-arbor.
Naisip kong wala akong agahan kinabukasan. Nagsilid din ako ng tinapay sa plastic. May narinig akong bakit ba nagdala pa ako. Maaari naman daw akong bumili sa Maynila noon pagdating ko. Kainaman na daw ang aking pag-aarimuhunan.
'Yung iba pinababaunan pa kapag umaaalis. Bakit pag ako hindi? -sabi kong pabiro at nagpipilit ngumiti. Nagmadali na akong lumabas para matapos na ang mahahabang litanya. Ang huli kong narinig ay- Hindi ka naman nagbibigay sa akin ah.
Nagbalik ang nararamdaman ko noon tuwing namamalimos ako ng bente pesos na baon sa kolehiyo.
Mabilis akong nakasakay ng bus. Pasinghap-singhap sa lamig ng aircon. Napakabagal ng dalawang oras na iyon. At sa gitna ng biyahe nakatanggap ako ng mensahe sa karag-karag kong telepono:
Salamat, ingat!
Napangiti ako at mababang loob na nag-Walang Anuman. At nagbuntong-hininga sa isiping mabuti pa ang kapatid kong dati ay spoiled brat. Marunong magpasalamat.