Matutulog akong walang unan
sa kama kong masikip
at malamig, at maingay
ang nag-iiyakang mga kuliglig
na nagbabantay sa'king ulunan.
Buhay ang ilaw sakaling maalimpungatan
nang hindi malunod sa dilim,
at bukas ang pinto, ang bintana sa hangin
para sa buntong-hiningang huhugutin
ng dibdid kong mayro'ng dagan.
Bahala na kung managinip
at makabangon ang isip
sa aking paghilik, sa aking paghipig
mula sa kawalan ng malay
at himbing ng higang pakanluran.
Hindi na rin ako nag-magandang gabi
sapagkat wala ring magandang araw
kung magising man, kung magisnan
ang ikinumot kong pag-asam
na sana'y bukas umiiyak kang dumadalaw.