Sa iisa Kong Pares ng Uniform

Cream na polo barong at isang asul na pantalon – nag-iisang pares ko ng uniporme sa buong buhay kolehiyo. Tastas, nisnis, butas, mantsa at sunog ng plantsa na ang pinagdaanan nito pero hindi ako iniwan. Malambot pa ring yumakap at sumampay sa balikat ko ang aking polo at masuyo pa ring sumilo sa aking baywang ang aking pantalon hanggang sa huling araw ng pasukan.

Wala akong pambili ng kahalili o ng bagong pamalit. Kulang ang kita sa pagpa-part time. Mas maraming importanteng bayarin. Hanggat maisusuot, isusuot ko. Hanggat nagagamit, hindi ako bumibili ng kapalit. Kuripot ako sa sarili.

Hindi ko din naman talaga gusto ang unipormeng ‘yon pero isinuot ko. Natutunan ko na lamang ariin, tanggapin at pahalagahan dahil wala akong iba kundi iyon. Apat na taon iyong bumagay sa pagbaba at pagtaas ng timbang, nagtiis sa pawis at pabagu-bagong pabango, sumabay sa lakad at takbo, tinanggap ang dumi’t mantsang gawa ng kagaslawan ko.

Tapos na nga ang aming mga araw. Isisilid ko man ito sa pinakasulok ng aking aparador palagi kong maaalala ang pag-ibig nito sa aking katawan, ang pagbihis nito sa aking katauhan. 


Sa kanya ang aking paumanhin at pasasalamat.

____________________________________
Pagtatapos, Circa 2010

dito galing ang polo