hanggang kailan ka anak
ng nanay mong
tila nagpasyang hindi na maging ina
sa iyong sinukuan na
ng pagka-tatay ng ama
magkano ang pagkataong
inutang sa semilya
at iniupa sa bahay-batang
tinuluyan nang madilim na mga buwan
tungo sa mas mahabang taon ng singilan
kailan ka anak at hindi
ng magulang mong hindi mabayaran
ng bait, ng dunong, ng sipag
ng pagmamahal ang lahat nilang ipinuhunan
sa nalugi nilang mga pangarap
at ang nasawi mong mga pagsisikap
ay hindi ba nila mapapatawad
hanggang mamalimos ka
sa bubong kung saan ka sumilong,
sa pinggan kung saan ka lumamon
kailan taong ganap ang isang anak
kung ang pusod niya
ay pilat tanda ng pagkakulong sa ina
at sa pangalan niya'y
may marka ng pagkatali sa ama
____________________________________
para sa araw ng mga Ina at Ama ngayong Hunyo