Ng mga bagay na hindi pa nasasabi sa’kin ng mundo;
Mga bagay na walang katuturang binibiro.
Birong sinusulat ng katulad mong mapaglaro.
Paglaruan mo ang pinupuno kong kakulangan
Sa inaanay na buhay kong walang pag-alayan
Ng pinatay na panibugho’t uyam ng kapalaran.
Nawa’y palaring gaya ng bungo mong walang laman.
Lam’nan mo ng kawalan ang aking pagkamanunulat
Na pag-iral lamang sa daluyong mong kalat.
Sa daloy ng iyong maalong pagkamamamahayag
Hayagan mong pangarapin ang pangarap kong binagabag.
Bagabagin mo ang takot kong sa mata alintana-
Ang matang siyang tumitig sa iyong pagkamanunula.
Tulain mo ang awit kong minata ng kanilang pagkamamumula
At awitin ang alamat ng Ginoong Tagahanga.
Hangaan ako’t tutupad sa tungkuling hila mo
Tungkol sa mga gawang di pa maitago ng anino.
Pagtaguan mo ako ng patungkol sa kung alin ang sino
At sisinuhin kong magaling ang bitbit mong pagsuyo.
Suyuin mo ang panulat kong inibig ng dilim.
Iibigin ko naman ang kadiliman ng iyong paglilihim.
Pagdimlan man ang lihim mo ng tunay kong pagkatao
Patunayan mo kayang ikaw at ang ginoong manunulat ay ako?
____________________________________
salamat CEGP para sa Emman Lacaba 2006