Sa Magkalayong Silangan

Mahirap pala talaga ang laging pagbawas ng limang oras kapag titingin sa relo. At iisipin sa oras na iyon kung kamusta na s’ya sa kabilang dulo nitong aming pagitan. Ang panahon.

Pagkatapos ay pilit ilalarawan sa isip na s’ya ay mahimbing na natutulog. O nagtitimpla ng kape sa trabaho. O nag-aagahan. O naghahapunan. O di kaya’y iniisip niya akong katulad niya sa isip ko.

      Alaala pa kaya niya ako ngayon katulad ng kahapon? 
      O kaninang makapananghali niya na siya namang pagtunog ng orasyon ko?

 Mahirap nga pala. Mahirap kalaban ang isip at panahon sa kahabaan ng distansiya.


Pero sa tuwing nagigising ako sa tawag nya, hindi ko na naaalintana ang oras; malabo na sa tubig ang mga mata ko. Hindi ko na rin naiisip pa ang layo ng tinatakbo ng boses n'ya mula sa kabilang dulo ng mundo upang muling mag-ibigan, upang bumati ng Maligayang Pagmamahalan.

Nawawalan ng saysay ang lahat ng mga tanong at lahat ng pag-aalala.

     Kung makapaniniil lamang ng halik ang Kamusta.
     Kung makapangyayakap lamang ang Miss na Kita.
     Kung makapagniniig lamang ang mga Buntong-hininga.

At kahit anong ligayang dala ng pagtawag n'ya, ihahanda ko pa ring wag niyang maulinigan ang aking pagkamahikbiin. Alam kong may hangganan ang mga linya:

     Lagi’t-laging mauuna ang Mahal Kita.
     (Sa parteng ito susuway ako sa bilin n'yang Wag Ka Nang Umiyak Pa.)

     Hanggang sabihin muli namin sa huli ang Paalam Na.

____________________
para kay B (Pasintabi kay Ricky Lee)

Hanggang sa Hangganan

DRP,

Ito na yata yun. Ito na ang dulo.

Labingdalawa. Yan ang bilang ng mga taon. Yan ang bilang ng panahon. Labingdalawang kaarawan, Pasko, Bagong Taon, Patay ang Diyos, mahabang usapan, kape, kainan, tubig, fireworks.. maraming marami..

Hindi kayang isaysay ng iilang sulat sa nagdaang sampung taon.

At ngayon nga ay kaarawan mo na naman. Tanda ng kung ilang taong pagkakaibigan. Labingdalawa, kagaya ng paborito mong numero. Marami na nga akong utang na sulat.

At ewan ko. Nararamdaman kong ito na ang huli para sa ngayon. Ito na ang pormal kong pagpapaalam. Sa pagkabata. Sa pagka dalaga. Sa paglalaro ng salita. Sa mapangarap kong diwa. Tama ka. Nawala na nga ako. Dahil ginusto ko. Sa hindi ko matukoy na panahon at punto, binitawan ko ang pagkatao ko na nakatali sa pagkakaibigan natin. Sa mga nakaraan. Sa mga lumang kaibigan. 

At kahit pilitin kong manatili ang dalawang bahagi ng buhay ko sa ngayon, pilit na naisasantabi ang isa. Natatabunan. Nalilibing ng mga alaala. Kahit ang daloy ng mga salita at damdamin ay nawala. Kasabay ng katahimikan. Kasabay ng distansya. Kasabay ng pagbabago ng tibok ng puso at pagdaan ng maraming taon.

Tanging ang pasulput-sulpot na mga salita at alaala ang nagpapagunita.. Tanging mga araw, kagaya ngayon. Pilit ko mang isipin, ang kahapon ay malayong kahapon na. 


Napakalayo na.

Wala na nga ang bata. At hindi ka kilala ng matanda. Pilit nyang inaaninag kung ano ang nakaraan nya sa mga mata mo. Sa taun-taong pagbati at sa paminsan-minsang pagyakap.

Ngunit ito man ang huli, gusto kong sabihin na walang paglimot. Buong paggalang ang mayroon ako sa ating pagkakaibigan at pagmamahal. At kung oras man ay magkulang, mabago man ang takbo ng buhay at lumawak man ang pagitan, sa dulo ay babalik tayo sa simula. Kung kailan man yun.

Maaaring hindi sa pang-labindalawang kaarawan, maaaring sa susunod na pang-labindalawa. O higit pa.

O bago pa iyon.


RDP
Setyembre 2014
____________
sulat ng aking kaibigan sa pagitan.

Agosto

Namamalantsa ako isang gabi. Dumating s’ya nang maaga sa karaniwan. Sementado ang kamay. May sling na nakasuporta sa leeg. Pawis. Pagod. Iniinda ang sakit.

Katulad ng dati wala s’yang imik. 

“Anong nangyari?” tanong ko.

“Nasemento” lang ang sagot n’ya sabay angat ng bendadong kamay para ipakita sa akin. Sementado mula palad hanggang lagpas pulso. Umangat ang tingin ko hanggang sa matamis n’yang ngiti. Itinatago noon ang sakit, init, yamot sa sarili  at pag-aalala sa mga dadanasing pagbabago sa mga susunod na araw o linggo. 

O baka ako ang nakaramdam ng mga iyon.

Pagkatapos niya sa mabagal na paghubad ng sapatos at medyas, diretso s'ya sa kwarto.

Diretso naman ako sa ginagawa ko. Nakatungo. Pinapasadahan ng mainit na plantsa ang mga basang marka ng tubig sa aking long sleves. Nauumid.

***
Hinding hindi ko malilimutan ang tawag mong iyon sa aking telepono. Nanginginig ang aking pandinig nang tinawag mo ako sa aking pangalan. Alam ko nang may hindi tama. Hindi ko naman alam ang mararamdaman ko noong umiyak ka na sa pagdaing ng sakit.

Taranta ako. Kabado. Lakad ako paroo’t parito parang sa pelikula. Hindi malaman ang uunahin sa gagawin.

Kinausap ko sandali ang Diyos na wag kang pabayaan. Na ika’y bigyan ng sanlaksang tibay. Na ako’y bigyan ng kaunting tapang dahil nanikip na ang dibdib ko noong makita ka. Hindi mo na napansing tumalikod muna ako saglit. Punas-punas ang pawis ko ng laylayan ng damit. Pahid-pahid ng manggas ang di mapigilang bunga ng itinagong iyak. Hindi ko kayang makita kang nasasaktan. Na kung bakit ba hindi pa ako na lamang.

Dahil ubo’t sipon mo nga lang labis-labis na ang aking pag-aalala iyon pa kayang paglinsad ng buto mo ang hindi ko ikabahala?

Na ang magagawa ko lamang ay ang hindi ka iwan. Mula bago ka matulog para magamot. At kung hindi kumplikado ang buhay sa ating dalawa, nandoon din sana ako nung magising ka para makumusta. Para pagalitan ka sa hindi mo pagtupad sa pangakong Mag-iingat Ka. 

Para unahan ka sa araw-araw nating pagsabi ng Mahal Kita.
***
Si August.
Ilang taon na rin pala sa akin itong Agosto. Tatlo. At gaya ng karamihan sa aking naaalaala, lahat ito ay tila kapangyayari pa lamang kahapon. Malinaw pa. Matingkad. May karga pa ring damdamin ang bagsak ng memorya. Naiiwan ako parati sa guho ng lahat ng natatandaan. Parating nakikiramdam. Ako na lamang yata ang nakaaalam nito at itong buwan.

At pagtulog ko ngayong gabing maalinsangan, magpalit na sana ang buwan. Kahit isang mahabang araw na lang.

***
Kinamusta ko ulit siya sa kuwarto habang pabali-balikwas sa kanyang higaan. Hindi malaman kung saang gilid mahihimbing. Kung saan idadantay ang pilay. Sa kanya ko itinutok ang bentilador. Mas kailangan n’ya. Pinatay ko ang ilaw. Binuhay ang lamp shade.

“Yung uniform mo pinlantsa ko na”, sabi ko. ‘Salamat’ lang sa garalgal na boses ang narinig ko.

Tapos ay tahimik. Narinig ko lamang ang kanyang pagsinghap. 
“May kailangan ka pa?” tanong ko. 

Walang sagot. Ngunit masuyo ang pakiusap n'ya bago ako akmang tatalikod palabas – 
“Wag ka na munang umuwi sa inyo bukas...”
_____
para sa kaibigan kong lampa.

Sa Linggo

May nag text sa akin ng "Kamusta".
Sa isip ko sabi ko "akala ko patay ka na?"

Text ulit s'ya ng "kita tayo sa Sabado?"
"Hindi muna siguro", ako ulit sa isip ko.

Wala akong load. Kahit siguro meron wala pa rin akong masasabi. Wala akong reply at wala na akong natanggap na mensahe ulit. Sinukuan na n'ya ako. Sumuko na rin ako. Wala na'ng maraming text at matagal na usapan. Pinalitan na 'yon ng mahahabang pag-iisip at malalalim na buntong-hininga.


Wala akong isusuot sa Sabado. Wala akong pambayad sa sine at pagkain. Wala akong oras sa dami ng gawain. Wala akong salamin. Wala na akong ikukwento sa'yo. Hindi mo na nga ata ako kilala. Wala na ang isip ko. Nawala ka gawa ko. Wala na rin yata ako.

Mag-iisip lang ako sandali. Bubuntong-hininga ng kaunti. Aalisin ko lang ang amoy mo sa balat ko pati ang boses mo sa ulo ko. Buburahin ko lang ang mukha mo sa isip ko tuwing nasasaktan ko. Tatanggalin ko lang ang udyok ng utak kong hawakan ka o yakapin o tingnan t'wing magkikita.

Magkikita ulit tayo. Ihahanda ko lang ang sarili ko. Papraktisin muna ang mga linya.

Hindi muna sa Sabado. Maglo-load na rin ako.

Saglit lang 'to.
____________

Panunumbalikan

Tuwing pagkakatapos ng taglamig at walang-wala nang dahon ang punong Narra sa kalayong bahay namin sa silangan, ganitong mga panahon din naglalagas ang aking kaluluwa. Nagluluno ang aking isip. Nagpapalit-pintig. Naiiba ang himig ng pamimihasa.


Hindi ito sadya. Siklo ito ng pagkatao kong mapambuyo sa panahon; mapambuno sa pagkakataon.

Ako lamang ito. Alam na alam ko na ang mga susunod. Bilang na bilang ko na ang mga ikot.

Ako lamang ito. At paglimot.

At paghakot muli ng pinaglipasan na ng panahong mga kasaysayan. Para sa pagpapaalalang ako lamang ito. At alaala. At pagmemorya muli sa bawat ikot ng panahon. Pananadya sa pagkakataon.

Alam mo na rin marahil ito. Sinasabi kong muli sayo: Tuwing pagkakatapos ng pagpapalaya ng tadahana, wala ka nang mauunawa.

Wala.
____________