Sa Linggo

May nag text sa akin ng "Kamusta".
Sa isip ko sabi ko "akala ko patay ka na?"

Text ulit s'ya ng "kita tayo sa Sabado?"
"Hindi muna siguro", ako ulit sa isip ko.

Wala akong load. Kahit siguro meron wala pa rin akong masasabi. Wala akong reply at wala na akong natanggap na mensahe ulit. Sinukuan na n'ya ako. Sumuko na rin ako. Wala na'ng maraming text at matagal na usapan. Pinalitan na 'yon ng mahahabang pag-iisip at malalalim na buntong-hininga.


Wala akong isusuot sa Sabado. Wala akong pambayad sa sine at pagkain. Wala akong oras sa dami ng gawain. Wala akong salamin. Wala na akong ikukwento sa'yo. Hindi mo na nga ata ako kilala. Wala na ang isip ko. Nawala ka gawa ko. Wala na rin yata ako.

Mag-iisip lang ako sandali. Bubuntong-hininga ng kaunti. Aalisin ko lang ang amoy mo sa balat ko pati ang boses mo sa ulo ko. Buburahin ko lang ang mukha mo sa isip ko tuwing nasasaktan ko. Tatanggalin ko lang ang udyok ng utak kong hawakan ka o yakapin o tingnan t'wing magkikita.

Magkikita ulit tayo. Ihahanda ko lang ang sarili ko. Papraktisin muna ang mga linya.

Hindi muna sa Sabado. Maglo-load na rin ako.

Saglit lang 'to.
____________

4 comments:

  1. nyahaha may ganito ako pakiramdam...

    ReplyDelete
  2. ang hirap di ba? ang panget lang sa pakiramdam.

    ReplyDelete
  3. Oh nasan ang comment ko dito? Bumalik ako para malaman ang sagot mo eh wala naman yung comment ko haist :(

    ReplyDelete