Sa iisa Kong Pares ng Uniform

Cream na polo barong at isang asul na pantalon – nag-iisang pares ko ng uniporme sa buong buhay kolehiyo. Tastas, nisnis, butas, mantsa at sunog ng plantsa na ang pinagdaanan nito pero hindi ako iniwan. Malambot pa ring yumakap at sumampay sa balikat ko ang aking polo at masuyo pa ring sumilo sa aking baywang ang aking pantalon hanggang sa huling araw ng pasukan.

Wala akong pambili ng kahalili o ng bagong pamalit. Kulang ang kita sa pagpa-part time. Mas maraming importanteng bayarin. Hanggat maisusuot, isusuot ko. Hanggat nagagamit, hindi ako bumibili ng kapalit. Kuripot ako sa sarili.

Hindi ko din naman talaga gusto ang unipormeng ‘yon pero isinuot ko. Natutunan ko na lamang ariin, tanggapin at pahalagahan dahil wala akong iba kundi iyon. Apat na taon iyong bumagay sa pagbaba at pagtaas ng timbang, nagtiis sa pawis at pabagu-bagong pabango, sumabay sa lakad at takbo, tinanggap ang dumi’t mantsang gawa ng kagaslawan ko.

Tapos na nga ang aming mga araw. Isisilid ko man ito sa pinakasulok ng aking aparador palagi kong maaalala ang pag-ibig nito sa aking katawan, ang pagbihis nito sa aking katauhan. 


Sa kanya ang aking paumanhin at pasasalamat.

____________________________________
Pagtatapos, Circa 2010

dito galing ang polo

Isang Dekadang Pag-itan

Ang araw na iyon daw ay marker kung ilang taon na itong ating pagitan.

Isang muhon. 

Sampung taon.

Isang dekada ng mga alaala ang susuungin para muling makatungtong sa harap noon. Sampung biyahe ng mundo paikot ang aangkasan pabalik para muling marating ang parehong araw- ang tiyak na pagitan kung saan idinikta ng uniberso ang pasya- upang muling makapagpakilala:


                        Ako-

                        Ako ang iyong pagtitika. 
                        Ang iyong talinhaga. 
                        Iyong sapantaha.
                        Akala. 

*dito pagigitna ang kalawakan ng lahat ng hinagap  -ang lahat ng pasusubali sa mga teorya ng memorya.

                        Ikaw-

                        Ikaw  ang aking pagkawala.
                        Ang aking unawa.
                        Aking  panata.
                        Laya.

*dito naman dudugtong ang kakitiran ng iilang ginagap –ang lahat ng pananang-ayon sa mga konklusyon ng panunton.

Hanggang umulit muli ang mga wakas. 

Ito iyong kaarawan ng bukas ng mga bukas pa noon-

                        Ang bisperas ng habang panahon.
____________
Para sa maligayang kaarawan ng Bituin. 

Iyakin

Sapul.

Tinamaan ako.

Tinamaan ng lintik na driver ‘yan kung anu-anong pinatutugtog – gumuhit sa magkabilang tenga, sumadsad sa utak at kinanta ng maliit na boses sa ulo ko. Bumibingi ang kabisadong letra at bumabayo ang pamilyar na tono. Pinitsarahan ang kaluluwa ko at binugbog ng mga basagulerong alaala ang puso.

Nangangalahating bote pa lang ng C2 ang hawak ko at masyado pang mahaba ang biyahe para ibato sa mamang nasa likod ng manibela at sabihing: “Patayin n’yo ang radyo!!!” 

‘Wag.

Mahal ang C2. Uhaw ako. Bayad na ang pamasahe ko. Nasa gitna ako ng isang madilim na kalsadang hindi ko alam kung saan at ayokong masipa palabas ng sasakyan.

Wala akong inasahan sa aking pinuntahan. Wala. Nagpunta ako para ipusta ang natitira ko pang  kapasidad magmahal. Para ipusta ang madumi kong kaluluwa sa isang mahal. Pumusta ako sa larong ‘di ko rin naman alam kung paano mamuhunan ng panalo. Sumugal na naman ako.

At ako’y natalo.

Talo ako. Ano ba naman ang bago. Siyempre talo ako. At kinukutya pa ako ng radyo. Naiwan ako ng maghapon sa dulong likod ng huling biyahe ng jeep. Nahihilo sa sariling amoy alak. Nilubugan ng araw sa baku-bakong daang sinukahan. Nilalamnan ng C2 ang t’yan. Nakapikit. Nag-iisip. Nagtatanong kung saan may mali, saan may tama..saan ako bababa..

Talo ako at gaya ng tunay na adik ako’y babalik. Alam ko. P’wedeng bukas o makalawa para pumusta. Tataya ulit at baka sa banda riyan ay makabawi.

Talo ako pero nagtaka ang aking labi kung bakit ito nakangiti. Marahil epekto ng alcohol o ng bagong kantang pumalit sa kanina. O dahil pumayag ang isang kaibigang hindi ko isinugal sa pustahan na sa kanila ako magpalipas ng pesteng gabi.

Noon umaalis ako papunta kung saan at bumabalik na walang pasalubong sa sarili. Kanina nagdumali akong sumakay ng jeep. Pumara at lumagpas pa ng kaunti. Nauntog pagbaba at nakalimutan na ang sukli.

“Di bale”, sabi kong pilit ngumingiti.

“Katulad ng siguradong matinding hang-ober ko bukas, lilipas din ang lahat.”

Sabay hagulgol sa balikat ng nag-aabang kong kaibigan sa madilim nilang pultahan.
____________