Bago Matapos ang Marso

Hindi mo na rin s'ya sinusulatan. Wala na rin s'yang masabi kundi patlang.

Baka kasi alam mo nang papalaki ang agwat ng inyong proksimidad. Baka alam mo nang ang inyong pagkakaibigan ay perpendikular. Ang inyong pagmamahal ay sentripital. Baka alam mo nang ang iyong araw ay ang grabedad ng kanyang tag-ulan.

O namamali lang s'ya.
     
Gayunman, paulit-ulit ka niyang babatiin. Hanggang ang araw mo ay sa Bituin.


Dahil may kanyang alituntunin ang uniberso sa lahat ng kasiping ng kanyang pisika, ang magagawa na lamang niya ay maglapat ng mga letra sa umuusad na espasyo ng inyong kalawakan. Para sa palaging pag-ikot dito ng mga mundo ay hindi siya maglalaho sa mga alaala.

Alam n'yang naririyan ka.
____________________________________

Lunch Mate

Ilang linggo na rin tayong sabay mananghalian. Magana tayong kumain nitong mga nakaraang araw. Mahilig ka sa fried rice kahit alam nating bahaw 'yan. Lagi ka pang may coke in can. Hinay-hinay ka lang.

Wag ka na ring magnakaw ng tingin kapag hihigop ka ng sabaw. Pwede mo naman akong titigan. Ako ba ang tingin nang tingin o ikaw? Kapag mapapasulyap kasi ako eh nakatingin ka rin kaya malamang ikaw. Mamumula ka lang sabay ayos ng salamin. Ako iiwas din ng tingin. Ngingiti-ngiti. Napapa-iling. Sasawayin ang sarili.

Baka naman hindi. Tigil. Tungo. Hingang malalim. Kain.

Ganyan tayo hanggang alas dose. Early lunch. D'yan ka sa table mo. Dito ako kasama ng magugulo kong katrabaho.

Ako nga pala si Fredericko. Taga...

Wag kang mag-alala. Alam ko naman ang dahilan kung bakit hindi pwedeng sa isang lamesa tayo mananghalian.
____________________________________

Ako ay may Lobo

Sobrang tagal na nito at ngayon ko lang naretrieve sa memory card ng aba kong telepono kaya mai-post na rin. Kunyari photo blog ito:
Mga kuhang larawan noong 17th Philippine International Hot Air Balloon Fiesta
 sa Clark Field, Pampanga.

Early bird award kami. Saranggola pala yun.
minsan mas gusto kong kuhanan ang mga tao
kesa dun sa ipinunta nila.
Si Mrs. Sunflower na hirap na hirap lumipad,
pero hindi nagpahuli sa taas.
...lumipad sa langit.
"pag kasama mo ang mahal
daig mo pa ang mga lobong yan."
hindi ko sila kilala. 
pati sa langit may SM.
mangha. 
nagpakumbaba ako sa Diyos sa harap ng papasikat na araw.
bukod sa mangha, pinaalala nitong narito ako sa lupa.
____________________________________

Inunan

Paggising ko bukas ito na lamang ang iyong bakas at wala na. Hindi mo na ako maaalala. Lilipas ang tingkad ng memorya at ang lahat ng idinidikta ng mga pandama ay ninipis, pupusyaw at lalaho.

Ikaw nama’y maglimi ng mga tunay mong hiling sa pagitan ng himlay at himbing nang hindi makagambala sa pananaginip ng may malalayang damdamin.


At pagmulat kong abay ang paglimot sa lahat ng umaga, magpapasalamat kang hindi mo na ako nakikilala. Magpapaumanhin naman akong  hindi na kita makakasama sa nakaw at hintay ng sana’y araw-araw na habang buhay-

     araw-araw na timbang at tantiya;
     habang buhay na lakas at lampa;

saka ka mag-magandang umaga.
____________

Bungad

Sa isang araw mo sa tag-araw ay nag-aantanda tayo sa pagpihit ng ating tag-init at hahayo tayo sa pagsasalit-salit sa lahat nating kinatapusan. Magsisimula ang lahat sa introduksyon ng sari-sariling pagsilang-

ako ay lamig, ikaw ay alab.

Ipaaalala muli nitong ako ito, ikaw iyan at ang dito’t doon nati'y

ritwal na pagpapaalam
siklikal na pagkakaibigan
at habitwal na pagmamahal.

At magmimintis man sa petsa, lilihis man sa oras, mayroon itong muhon sa lahat ng lupain ng panahon upang hindi maligaw ang ating kaluluwa sa lagi’t–laging pagsapit ng

matiwasay na pagdating,
mapayapang pag-alis o
masayang pagbabalik;
upang hindi masanay ang marurupok nating mga puso sa mga pangkaraniwan nang pagbati sa nakaraan-

ng isang maligayang kaarawan.
____________