Ang Araw na Ito

September 21, 2005

Ang birthday mo parang marker na rin ng kung ilang taon na tayong magkaibigan. 3 years na. Kung last year euphoric ang theme - high as a kite, honeymoon period... Ngayon, we're getting through a heavily sieving stage, and not unscathed. 



Not unscathed at all.
____________

Ilang buwan na rin syang walang linya. Kaya gusto nyang marinig mo naman kung tumitibok pa ba ang puso nya o kung may puso pa ba ang taong sinusundo mo sa opisina at inihahatid sa bahay nila.

Gusto n'yang humingi ng paumanhin dahil nangako syang maging kaibigan kahit ano pa ang mangyari. Naramdaman nyang kaya nyang gawin kaya madalas niyang sinusulat noon. Pero pagkatapos ng isang masaya, madugo at masalimuot na taon, she managed to be here, still around yes but she did not manage to be the same person she has been.

She emerged from the rubble not as sensitive, not as accommodating, not as submissive, not as "entertaining", not as herself anymore. But it's like meeting a new friend. Sorry...

Pero salamat dahil ikaw ang pumigil sa mga kamay niyang tuluyan nang bumibitiw. 
It took your pulling on her sleeve to look back at you and think again. 
Salamat at hindi mo pa rin siya sinukuan. 
Kahit mas mahirap na siyang pakisamahan ngayon.

Salamat sa pagpapa- alala ng mga alaala. Salamat sa pagtatago.
Sa pagbubura ng kalawang.
____________

Salamat dahil sinusubukan mong kaibiganin ang kaluluwang ipinapalit nya. Hindi na s'ya babalik. I made that decision as well. Hindi ako kasing vocal, kasing daring, kasing carefree n'ya. Iba siguro ang pag-intindi ko sa'yo sa pag-intindi n'ya. Wala na ang mahahabang sulat at mga walang okasyong text, walang walang usapan, walang walang hanggang time, wala pa ring /(slash) time...

Hindi ko nga alam kung may maipagmamalaki ako na wala sa kanya. Wala yata. Siya ang nagmahal at minahal ng mga taong minana ko sa kanya. Basta ang alam ko may naiwan pa siya na taglay ko rin pala: ang pagmamahal at pag-aalala n'ya sa inyo at sa'yo, na walang paliwanag, ang pagtitiwala at paniniwala n'ya sa'yo, ang hangad na mapabuti ka at maging masaya.

Yung mga hindi n'ya nakayang gawin, they're better done than said.
"Gagawin mo bang lahat yun?"
"I'm willing, and that's a start. Let's see where it takes me."
Isang bagay ang malinaw, despite everything that's happened, Espesyal ka pa rin - a unique piece of light that shone my way.

She loved you so much even to such an end.
And if you must have missed her, she undoubtedly misses you...

Happy birthday, Red.
____________
sulat ng isang nilumang kaibigan

Kay Ginoong Manunulat

                           Ginoong manunulat, ako’y sulatan mo
                           Ng mga bagay na hindi pa nasasabi sa’kin ng mundo;
                           Mga bagay na walang katuturang binibiro.
                           Birong sinusulat ng katulad mong mapaglaro.

                           Paglaruan mo ang pinupuno kong kakulangan
                           Sa inaanay na buhay kong walang pag-alayan
                           Ng pinatay na panibugho’t uyam ng kapalaran.
                           Nawa’y palaring gaya ng bungo mong walang laman.

                           Lam’nan mo ng kawalan ang aking pagkamanunulat
                           Na pag-iral lamang sa daluyong mong kalat.
                           Sa daloy ng iyong maalong pagkamamamahayag
                           Hayagan mong pangarapin ang pangarap kong binagabag.

                           Bagabagin mo ang takot kong sa mata alintana-
                           Ang matang siyang tumitig sa iyong pagkamanunula.
                           Tulain mo ang awit kong minata ng kanilang pagkamamumula
                           At awitin ang alamat ng Ginoong Tagahanga.

                           Hangaan ako’t tutupad sa tungkuling hila mo
                           Tungkol sa mga gawang di pa maitago ng anino.
                           Pagtaguan mo ako ng patungkol sa kung alin ang sino
                           At sisinuhin kong magaling ang bitbit mong pagsuyo.

                           Suyuin mo ang panulat kong inibig ng dilim.
                           Iibigin ko naman ang kadiliman ng iyong paglilihim.
                           Pagdimlan man ang lihim mo ng tunay kong pagkatao
                           Patunayan mo kayang ikaw at ang ginoong manunulat ay ako?
____________________________________
salamat CEGP para sa Emman Lacaba 2006


Lovers-Loversan in Paris

Para kay Mr. Han-
na maraming karanasan sa buhay
pero walang masayang alaala.
Iniiwan na kita.
Ang hirap mo kasing mahalin...
    
    Sorry, wrong send. 

   At saka si Martin nga pala ako at hindi ko dapat kina-career ang linya ni Vivian. Gusto kong mag-explain dahil ako'y naiinis pero next time na lang at saka hindi naman mahalaga ang sasabihin ko as usual.

  Alam mo, wala na akong panahon pag-isipan ang mga nangyari sa akin - sa atin, lately. 

   On the one hand, ok na rin na less ang pagkikita natin. Familiarity breeds contempt daw eh. Saka s'yempre nagtatrabaho naman tayo pare-pareho. Hell, we need to work. And we smile and greet other people. But then, nakaka-miss lang yung aimless talking that we tend to do less now. What with limited time(slash)time, always tired and all...

     But you know what, after all is said and done, I'm still amazed at how things constantly surprise us in every bend, putting this decidedly "friendly, non-committing, unconditional, not romantic love" to test. I'm amazed at how I still hold on to everything after surges of pain and/or hormonal imbalances. I'm amazed at how deep the roots have become over time, how intricate the tangles have gone in every direction. I'm amazed at how I get scared leaving the dream I dreamed with you. 

     Should time come and while my other world threatens to dominate, ayokong lamunin ulit ako ng dati kong mundo - bihagin ng mga lumang panaginip na naging bangungot, ng pag-ibig na naging hapdi, ng buhay na pag-iral lamang.

     While I don't really feel like our world is slipping away, I'm forever checking myself if I haven't reverted back to my old self. Masaya na ako sa mundong ginawa ko kasama kayo. Lagi akong babalik at magtatampisaw sa "kakarampot na dalampasigan" ng mababaw na talong ito. Kahit malunod pa at dito matagpuan ang katapusan ko.

     No apologies and no thank you's this time. Just want to tell you that I'm still around despite the scarcity of time and the widening of space. And that I still care pretty much the same, if not more.

____________
sulat ng isang kaibigan pagkatapos ng laho

History Major

                                      
                                             Kung matatandaan mo ang petsa
                                       Malaman mo kayang hinintay kita
                                       Sa pagitan ng isang kilometrong luha
                                       Paikot sa hangganan ng 'yong diwa?

                                       Kundi ma'y alalahanin mo ang lugar
                                       Kung saan nagsimula ang pag-akbay
                                       Ng aking hinliliit sa'yong isip
                                       At umakay sa saglit mong pag-ibig.

                                       Doon ako nag-abang noong ating araw.
                                       Noong aking gabing walang buwan
                                       Dahil wala ka't bumuhos ang ulan
                                       Sabay ng agos ng luhang walang puwang.

                                       Lingunin mo sana ang iyong nakaraan
                                       At naroon ang kasaysayan ng aking pagmamahal.
                                       Kung kailan ay noon at ang lugar ay doon.
                                       Magmula dito, hanggang ngayon.
____________

Muhon

"Please remember that four months can extend to a lifetme.
There are many probabilities: water comes back to shore - 
not necessarily the same water,
not necessarily the same shore - belonging to one same set.
The earth is still one big mass of land and has one big body of liquid."
_____________

Ito raw yung naaalala n'ya - dagat, langit, bangka, tubig, alon. Wala pa ako.

Mabilis ang apat na buwan. Kailan naman kaya ang habambuhay? Kailan kaya ito sisimulan? Paano ba natin susukatin ang lifetime kung pare-pareho pa taong buhay? Paano natin yun mararanasan kung hindi natin alam na ito'y iyon na?

Pero kung kasama dito ang mga araw na ito at lahat ng  kahapong kasama s'ya, salamat sa pagpapaalala. 

Namatay na yata ako nang paulit-ulit. Ganoon din siguro s'ya. Hindi ko alam. Nabuhay ulit ako mag-aapat na taon na at kung nasaan man ang dulo nito, sana wala akong bagong tao roon na muling kasama. Hindi rin sana ako bagong tao roon na kasama s'ya.

Kaya wala munang kahit anong lalagpas mula rito. Ito ay hanggang naroon s'ya at  narito ako.

Paglipas na ng ating habambuhay ako mangangako.
____________
Circa 2009. Dito nagmula ang pangalan ng blog.

Audit

                                            hanggang kailan ka anak
                                            ng nanay mong
                                            tila nagpasyang hindi na maging ina
                                            sa iyong sinukuan na
                                            ng pagka-tatay ng ama

                                            magkano ang pagkataong
                                            inutang sa semilya
                                            at iniupa sa bahay-batang
                                            tinuluyan nang madilim na mga buwan
                                            tungo sa mas mahabang taon ng singilan

                                            kailan ka anak at hindi
                                            ng magulang mong hindi mabayaran
                                            ng bait, ng dunong, ng sipag
                                            ng pagmamahal ang lahat nilang ipinuhunan
                                            sa nalugi nilang mga pangarap

                                            at ang nasawi mong mga pagsisikap
                                            ay hindi ba nila mapapatawad
                                            hanggang mamalimos ka
                                            sa bubong kung saan ka sumilong,
                                            sa pinggan kung saan ka lumamon

                                            kailan taong ganap ang isang anak
                                            kung ang pusod niya
                                            ay pilat tanda ng pagkakulong sa ina
                                            at sa pangalan niya'y
                                            may marka ng pagkatali sa ama
____________________________________
para sa araw ng mga Ina at Ama ngayong Hunyo

Alam Kong Walang Magbabasa ng Post na May Mahabang Title

Nagbiro ako sa tadhana. Pangisi-ngisi akong nag-iisip sa tabi ng mamang drayber sa jeep na sinasakyan ko. Maaga pa. Ayoko pang umuwi. Isang masamang maghapon ang nagdaan at wala sa mga bahay nila ang mga kaibigan kaya wala akong matatambayan.

Pagkasakay ko pa lang at pagkaabot ng pamasahe nanunukso na ang isip ko sa mga tagatakda ng tadhana: “Makita ko lang s’ya sa daan, bababa ako!” Baka ‘kako magandang senyales ‘yun na magkausap kami ulit, magkumustahan o magkita ng malapitan at hindi ‘yung kaway, tango at ngiti lang sa malayo. Kaso malabo. 

Una, ang huling sinabi n’ya sa akin eh ‘wag ko na lang daw siya ite-text. Pangalawa, ang alam ko gabi pa ang labas n’ya. Pangatlo, sayang ang walong pisong ibinayad ko pamasahe. Pang-apat, puputaktihin ako ng kaba, tuwa, yamot, takot at sakit nang sabay-sabay…

Sabay nakita ko s’ya sa may kanto. Ang pangisi-ngisi ko kanina naging tawa. Ako ang natawa sa biro ko. Medyo malakas. Napalingon si mamang drayber na katabi ko. Kailangang magpalusot. “Para  na ho,” sabi ko. Napailing na lang ako.

Hingang malalim. Punas ng pawis. Ayos ng k’welyo. Lakad-takbo. Nakatungo. Pagtunghay ko ilang hakbang pa magsasalubong na kami. Nagkunwari akong nagulat. (Na-master ko na ang reaks’yong iyon.)

“Uy! Kamusta?” tanong n’ya.
“’Eto.” (Na-master ko na rin ang sagot sa tanong na iyon.)

“Ayos ang buhok ah,” bati n’ya sa tirik-tirik kong buhok, iba sa nakasanayan n’yang pormal na ayos nito dati, “Bagay sa’yo.”

“Akala ko ayaw mo kasi mukha akong adik?”
“Okay naman pala,” at ginulo-gulo ang buhok ko.

Iniiwas ko ang ulo ko. “Sa’n ka papunta?”
“Pauwi na,” sagot n’ya. 

“Ikaw?” tanong n’yang wala sa sarili.
“Ihahatid ka.” 

Hinawakan ko ang braso n’ya at inalalayan paakyat ng pinara kong jeep. Umupo ako sa tapat ng inupuan niya at nag-abot ng bayad. 

Nawala ang usapan.

Tingin s’ya. 

Tingin ako.

Ngiti s’ya. 
Ngiti ako. 

Titingin naman ako sa malayo.

Hindi ko na matandaan kung gaano na katagal. Pakiramdam ko kasi parang kahapon lang ang lahat. Hindi ko na rin alam kung aling damdamin ang uunahin. Baka hindi ko na rin alam kung aling kahapon ang natatandaan ko.

Tingin ulit s’ya. 

Tingin ulit ako.

Tinitingnan ako ng aking iwinawaksing mga alaala - mga pinaka-iingatan, mga pinakamaliligaya, mga pinakamasasakit, mga pinakamagaganda.

Ngiti s’ya. May sumingit na alaala. 

Ngiti ako. Ilang beses din akong nasaktan nito.

Kasabay ng iba pang nagsipara, umuna ako sa kanya at inalalayan s’ya pababa. Isang traysikel pa ang sasakyan n’ya para makauwi. Naglakad kami papunta sa terminal.

“Kinakamusta ka lagi ng inay,” basag n’ya sa aming katahimikan.
“Kinakamusta din ba ako ng anak n’ya?” sagot ko.
“Hindi ka naman nagrereply.”
“Nagpalit ako ng number. Sabi mo din ‘wag na akong magtext. Nakakahiya naman…”

Katahimikan muli.

“Pasens’ya ka na,” sabi n’ya
“Saan?” tanong ko kahit hindi ko kailangan ng sagot.
“Sa lahat.” Hindi na s’ya tumingin. “Sa mga nangyari…”

Nilunod ng mga ingay ng kalye ang mga sumunod na sinabi n’ya. Siguro hindi na rin ako interesado sa mga paliwanag kaya wala na akong narinig. Hindi ko na rin naman kailangan.

“Tara sa bahay para makita ka naman ng inay,” yaya n’ya.
“Hindi na muna siguro. Gagabihin ako,” nagdahilan ako.
“Ano na’ng number mo?” tanong n’ya.
“Text na lang kita,” maikli kong sagot.

Papasakay na s’ya sa nakaparadang traysikel. Nagba-bye s’ya.
“Sige,” sabi ko, “Pasabi sa inay dadalaw ako bago ako umalis.”
Natawa s’ya. “Ha? Saan ka naman papunta?”

Hindi agad ako nakasagot. Nawala ang ngiti n’ya. Nahalata n’ya yatang seryoso ako. Humakbang ako paurong dahil mukhang paandar na ang traysikel. Nakatitig pa rin s’ya.

“Sa Australia.” sagot ko. 

Sabay lakad palayo. Walang lingon-likod.

Lakad. 

Lakad. 

Tingin sa langit. 

Nagbiro ulit sa tadhana habang ang dalawang daliri ay pilit pinagpipilipit. 

“’Wag ko na sana s’yang makita ulit.”
____________________________________

Sa iisa Kong Pares ng Uniform

Cream na polo barong at isang asul na pantalon – nag-iisang pares ko ng uniporme sa buong buhay kolehiyo. Tastas, nisnis, butas, mantsa at sunog ng plantsa na ang pinagdaanan nito pero hindi ako iniwan. Malambot pa ring yumakap at sumampay sa balikat ko ang aking polo at masuyo pa ring sumilo sa aking baywang ang aking pantalon hanggang sa huling araw ng pasukan.

Wala akong pambili ng kahalili o ng bagong pamalit. Kulang ang kita sa pagpa-part time. Mas maraming importanteng bayarin. Hanggat maisusuot, isusuot ko. Hanggat nagagamit, hindi ako bumibili ng kapalit. Kuripot ako sa sarili.

Hindi ko din naman talaga gusto ang unipormeng ‘yon pero isinuot ko. Natutunan ko na lamang ariin, tanggapin at pahalagahan dahil wala akong iba kundi iyon. Apat na taon iyong bumagay sa pagbaba at pagtaas ng timbang, nagtiis sa pawis at pabagu-bagong pabango, sumabay sa lakad at takbo, tinanggap ang dumi’t mantsang gawa ng kagaslawan ko.

Tapos na nga ang aming mga araw. Isisilid ko man ito sa pinakasulok ng aking aparador palagi kong maaalala ang pag-ibig nito sa aking katawan, ang pagbihis nito sa aking katauhan. 


Sa kanya ang aking paumanhin at pasasalamat.

____________________________________
Pagtatapos, Circa 2010

dito galing ang polo

Isang Dekadang Pag-itan

Ang araw na iyon daw ay marker kung ilang taon na itong ating pagitan.

Isang muhon. 

Sampung taon.

Isang dekada ng mga alaala ang susuungin para muling makatungtong sa harap noon. Sampung biyahe ng mundo paikot ang aangkasan pabalik para muling marating ang parehong araw- ang tiyak na pagitan kung saan idinikta ng uniberso ang pasya- upang muling makapagpakilala:


                        Ako-

                        Ako ang iyong pagtitika. 
                        Ang iyong talinhaga. 
                        Iyong sapantaha.
                        Akala. 

*dito pagigitna ang kalawakan ng lahat ng hinagap  -ang lahat ng pasusubali sa mga teorya ng memorya.

                        Ikaw-

                        Ikaw  ang aking pagkawala.
                        Ang aking unawa.
                        Aking  panata.
                        Laya.

*dito naman dudugtong ang kakitiran ng iilang ginagap –ang lahat ng pananang-ayon sa mga konklusyon ng panunton.

Hanggang umulit muli ang mga wakas. 

Ito iyong kaarawan ng bukas ng mga bukas pa noon-

                        Ang bisperas ng habang panahon.
____________
Para sa maligayang kaarawan ng Bituin. 

Iyakin

Sapul.

Tinamaan ako.

Tinamaan ng lintik na driver ‘yan kung anu-anong pinatutugtog – gumuhit sa magkabilang tenga, sumadsad sa utak at kinanta ng maliit na boses sa ulo ko. Bumibingi ang kabisadong letra at bumabayo ang pamilyar na tono. Pinitsarahan ang kaluluwa ko at binugbog ng mga basagulerong alaala ang puso.

Nangangalahating bote pa lang ng C2 ang hawak ko at masyado pang mahaba ang biyahe para ibato sa mamang nasa likod ng manibela at sabihing: “Patayin n’yo ang radyo!!!” 

‘Wag.

Mahal ang C2. Uhaw ako. Bayad na ang pamasahe ko. Nasa gitna ako ng isang madilim na kalsadang hindi ko alam kung saan at ayokong masipa palabas ng sasakyan.

Wala akong inasahan sa aking pinuntahan. Wala. Nagpunta ako para ipusta ang natitira ko pang  kapasidad magmahal. Para ipusta ang madumi kong kaluluwa sa isang mahal. Pumusta ako sa larong ‘di ko rin naman alam kung paano mamuhunan ng panalo. Sumugal na naman ako.

At ako’y natalo.

Talo ako. Ano ba naman ang bago. Siyempre talo ako. At kinukutya pa ako ng radyo. Naiwan ako ng maghapon sa dulong likod ng huling biyahe ng jeep. Nahihilo sa sariling amoy alak. Nilubugan ng araw sa baku-bakong daang sinukahan. Nilalamnan ng C2 ang t’yan. Nakapikit. Nag-iisip. Nagtatanong kung saan may mali, saan may tama..saan ako bababa..

Talo ako at gaya ng tunay na adik ako’y babalik. Alam ko. P’wedeng bukas o makalawa para pumusta. Tataya ulit at baka sa banda riyan ay makabawi.

Talo ako pero nagtaka ang aking labi kung bakit ito nakangiti. Marahil epekto ng alcohol o ng bagong kantang pumalit sa kanina. O dahil pumayag ang isang kaibigang hindi ko isinugal sa pustahan na sa kanila ako magpalipas ng pesteng gabi.

Noon umaalis ako papunta kung saan at bumabalik na walang pasalubong sa sarili. Kanina nagdumali akong sumakay ng jeep. Pumara at lumagpas pa ng kaunti. Nauntog pagbaba at nakalimutan na ang sukli.

“Di bale”, sabi kong pilit ngumingiti.

“Katulad ng siguradong matinding hang-ober ko bukas, lilipas din ang lahat.”

Sabay hagulgol sa balikat ng nag-aabang kong kaibigan sa madilim nilang pultahan.
____________